MAY nakapagsabi: “Hindi mahahanap ang solusyon kung hindi nakikita ang problema.”
Kailangang tama ang ating mga tanong upang makuha ang tamang sagot. Kung napag-aralan mo na ang problema, tingnan mo iyon uli. Maging iyon man ay problemang teknikal o pilosopikal o tungkol sa inyong relasyon, ang pagtatanong ng tama ang susi sa matagumpay na paghahanap ng solusyon at pagwawagi sa anumang uri ng hidwaan. Kailangang tama ang iyong mga tanong kung nais mong makamit ang tamang mga sagot. Ngunit paano mo matututuhan ang pagtatanong ng tama?
- Huwag maglagay ng limitasyon. - Madalas na tinatanong natin ang ating sarili gaya ng: Bakit hindi ko mabili ang item na ito? Bakit hindi ko mapababa ang aking timbang? Bakit hindi ko magawa ito nang tama? Bakit hindi ako suwertihin?
Ang mga tanong na ganito ang naglalagay ng limitasyon sa ating sarili. Kapag tinanong mo ang iyong sarili, magbibigay ang utak mo ng isa o maraming sagot; ngunit ang mga sagot na iyon ba ang kailangan mo? Mahalaga na matutuhan natin ang pagtatanong sa ating sarili ng mas mainam na mga tanong.
Halimbawa: “Bakit hindi ko mabili ang item na ito?” Ang mas mainam na tanong: “Paano ko mabibili ang item na ito?” Sa halip na magtanong ng “Bakit hindi ko mapababa ang aking timbang?” magtanong ng “Ano ang dapat kong gawin upang mabawasan ang aking timbang?” Kasi kapag nagtanong ka ng “Bakit hindi ko mabili ang item na ito?” nagdadagdag ka lamang ng negatibong kaisipan sa iyong pagabigong mabili ang item na iyon: “Kasi kakapiranggot ang suweldo ko at napakarami kong obligasyon.” Ngunit kung magtatanong ka ng “Paano ko mabibili ang item na ito?” gagana ang utak mo sa paghahanap ng paraan upang mabili mo nga ang item na iyon. Iwasan magtanong ng naglilimitang tanong. Laging isipin na may paraan upang makakawala ka sa problema.
Sundan bukas.