Laro ngayon:

4:00pm -- Philippines vs China

Susubukan ng Philippine Girls Volleyball Team na makapagtala ng kasaysayan ngayong hapon sa pagsagupa nito sa powerhouse na China sa krusyal na ikatlo at huling laro nito sa preliminary round ng 2014 AVC Asian Youth Girls Volleyball Championship sa MCC Hall Convention Center sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Habang isinusulat ito ay kasagupa ng PHI Girls U17, ganap na alas-12 ng tanghali, ang India sa importanteng ikalawa nitong laro kung saan sakaling magawa nitong muling makapagtala ng makasaysayang panalo ay agad masisiguro nito ang isang silya sa quarterfinal round.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ang China ay pumangalawa sa huling edisyon ng torneo may dalawang taon na ang nakalilipas matapos na mabigo sa tinanghal na kampeon na Japan. Hindi pa nagwawagi ang Pilipinas sa China sa halos matagal na panahon sa sports na volleyball.

Ito ay matapos na itala ng PHI Girls ang isang makatindig balahibong panalo Sabado ng umaga matapos na itakas ang maigting na 3-2 panalo kontra sa nagtatangkaran at maliliksing Australia sa pagbubukas ng qualifying event sa FIVB World Youth Championships.

Nagawang bumangon mula sa balag ng kabiguan ang PHI Girls Team matapos maiwan sa 1-2 set na karta upang agawin ang huling dalawa kabilang ang mainiting matira-matibay na ikalimang set upang iuwi ang 24-26, 25-22, 21-25, 25-21 at 15-13 panalo sa unang pagbabalik nito sa internasyonal na torneo.

Naging mahigpit ang labanan sa lahat ng limang sets, kung saan nagawang itala ng Australia ang 12-10 abante at ang nakakapanginig na 13-12 sa sa huling set, bago na lamang nagpakatatag ang kabubuo pa lamang na RP Girls sa pagtatabla sa iskor sa 13-all.

Nagawang agawin ng Pilipinas ang abante sa 14-13 bago na nito tuluyang sinikwat ang matchpoint sa 15-13 upang itala ang maigting na una nitong panalo sa torneo kontra sa Australia sa matagal-tagal na panahon.

Sinandigan ng PHI Girls Team sina Maria Lina Isabel Molde na nagtala ng 21 puntos at ang setter-open hitter na si Ejiya Laure na may 17 puntos upang itala ang kanilang unang upset sa torneo at ang matamis na panalo para sa nagbabalik sa internasyonal na kampanya na Pilipinas.

Mismong ang PVF president na si Geofrrey Karl Chan, na siyang tumatayong chef de mission, ay hindi na maalala kung kailan huling nagwagi ang Pilipinas sa Under 17 kontra sa Australia.

“It is a breakthrough win for us. I can’t recall kung kailan natin huling tinalo ang Australia because even a set before ay hindi tayo makapanalo sa kanila,” sabi ni Chan na siyang chef de mission ng koponan sa torneo na gaganapin simula Oktubre 11 hanggang 19.

Asam ng PHI Under 17 na lumapit sa target nitong mahigitan ang limang beses na ikawalong puwestong pagtatapos sa anim na pagsabak sa torneo. Tanging ang unang dalawang koponan matapos ang eliminasyon ang uusad sa quarterfinals ng torneo na qualifying naman sa World Girls Under 17 Championships.

Matatandaang hindi sumali ang Pilipanas sa nakaraang dalawang edisyon ng torneo noong 2012 sa China at 2010 sa Malaysia tapos pumangwalo sa 1-7 win-loss record sa PhilSports Arena sa Pasig noong 2008. Tanging nagwagi ito sa Sri Lanka sa preliminary round.

Hindi rin ito sumali noong 2007 at 2001 na ginanap pareho sa Thailand. Pumangwalo na pinakakulelat ang Pinas noong 1997 sa Thailand matapos walang naipanalo sa pitong laro habang pangwalo’t huli rin noong 1999 sa Singapore sa 0-5 kartada.

Nangulelat din ito noong 2003 sa Thailand sa 0-7 at ikawalong puwesto rin sa siyam na lahok sa torneo na ginanap noon sa Mandaue City, Cebu noong 2005 sa 0-6 panalo-talong karta.

Ang koponan ay binubuo nina 5-foot-8 setter Ejiya Laure, anak ni PBA player Eddie Laure ng Blackwater Elite, Ezra Gyra Barroga, Rica Diolan, Justine Dorog, Christine Dianne Francisco, Maristella Genn Layug, Kristine Magallanes, Nicole Anne Magsarile, Ma. Lina Isabel Molde, Jasmine Nabor, Faith Janine Shirley Nisperos, Roselyn Rosier, Alyssa Maria Teope at Caitlin Viray.

Ang team officials ay sina head coach Jerry Yee, assistant coach 1 Raymund Castillo, assistant coach 2 Emilio Reyes, Jr, assistant coach 3/conditioning coach Rafael Magno, international referee candidate Joselyn del Rosario, team manager Engr. Mariano See Diet at head of delegation PVF president Geoffrey Karl Chan.