Misyon ngayon ng militar na iligtas ang 12 bihag ng Abu Sayyaf, kabilang ang dalawang German na pinagbantaang pupugutan kapag hindi nakapagbigay ng P250 milyon ransom, sa Sulu.

Tumulak kahapon patungong Mindanao si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang upang makipagpulong sa local crisis management committee (LCMC) kaugnay ng estado ng mga bihag ng Abu Sayyaf.

Napag-alaman na sa 12 bihag ng Abu Sayyaf ay lima ang banyaga, kabilang ang mag-asawang German na sina Dr. Stefan Viktor Okonek, 74; at Henrite Dielen, 55, na binantaang pupugutan ang isa dakong 3:00 ng hapon sa Biyernes, Oktubre 17, kung hindi maibibigay sa grupo ang mga hinihiling nito.

Bukod sa P250 milyon na ransom, hinihiling din ng Abu Sayyaf na bawiin ng gobyerno ng Germany ang suporta nito sa mga pag-atake ng Amerika sa Syria at Iraq laban sa Islamic State (IS).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matatandang sa isang panayam sa radyo ay nanawagan ang mag-asawa sa gobyerno ng Pilipinas na gawin ang lahat upang mailigtas sila, lalo at may problema na sa kalusugan ni Okonek.

Abril ngayong taon nang dinukot ng Abu Sayyaf ang mag-asawa habang lulan sa kanilang yate at nagbabakasyon sa Palawan.

Nakipagpulong din si Catapang sa mga opisyal ng militar at Philippine National Police (PNP) para alamin ang ongoing effort ng mga awtoridad para masagip ang nasabing mga bihag.

Ipinag-utos ni Catapang sa 501st Army Brigade sa Sulu ang deployment ng isang grupo ng K9 units para tumulong sa pagsagip sa mga dinukot.

Oktubre 10 nang ipinadala ni Catapang sa Sulu ang isang unit ng Special Forces, isa sa mga elite unit ng AFP.