MAY hacienda raw si Vice Pres. Jejomar Binay. Si PNP Director General Alan Purisima ay may mansion naman daw sa San Leonardo, Nueva Ecija. Sina Tanda, Pogi at Seksi ay nagkamal naman daw ng milyun-milyong pisong kickback mula sa pork barrel. Ano ba kayong mga pinunong bayan, lingkod ba kayo ng mamamayan o mandurugas ng salapi nina Juan Dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera?

Sumabog noong Miyerkules sa Senate hearing ang “sikreto” ni VP Binay na naikubli sa mata at kamalayan ng publiko, kabilang ang taga-Makati City, sa loob ng maraming taon ang tungkol sa diumano ay 350-hectare agricultural estate sa Rosario, Batangas na kinaroonan ng babuyan, flower farm, horse ranch, napakalaking garden na ginaya sa Kew, London, at iba pang mga pasilidad. Totoo ba ito? Matindi ang pagtanggi ni Binay na siya ang may-ari hacienda na ito sa Batangas.

Bukod sa ibinunyag sa Senado ni ex-Makati Vice Mayor Ernesto Mercado, ipinakita sa isang pahayagan ang larawan ng diumano ay tatlong mansion ni VP sa Tagaytay at sa Laurel, Batangas. Sinasabi ng mga tagapagmasid na kung tumupad lang daw si Rambotito, este VP Binay, sa pangako niyang si Mercado ang magiging kandidato sa pagkamayor ng Makati noon, hindi sana nagbulgar at “kumanta” ang dating opisyal na kaalyado niya noon. Sa halip, ang ipinakandidato ni VP ay ang anak na si Jun-Jun na ngayon ay mayor ng siyudad. Hindi ba ganyan din ang nangyari kay ex-Pres. at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada. Matalik na kaibigan, kainuman at kasugalan niya si ex-Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson. Pero sila ay hindi nagkaunawaan sa ilang bagay. Dahil batid ni Chavit ang mga sikreto at bisyo ni Erap, ibinunyag niya sa impeachment trial nito sa Senado ang “mga kasalanan” ni Estrada sa bayan at sa taumbayan. Resulta, nakulong si Erap.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ang mga Pinoy ay naniniwalang ang mga pinunong nanghihingi ng boto ay para maglingkod sa kanila, hindi para mangulimbat at gamitin ang puwesto sa pagpapayaman. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit hindi maipasa sa Kongreso ang panukalang nagbabawal sa political dynasty sa bansa? Ang patuloy na pananatili sa puwesto ay singkahulugan ng pagpapayaman at katanyagan. Tamaan sana kayo ng lintik mga gahaman at mandurugas na pulitiko at opisyal ng PNP at AFP!