by Tito S. Talao

SENDAI, Japan – Pinagbayaran ng Manila West ang kabiguan nitong maibaon ang Bucharest na magbibigay sana sa kanila ng No. 1 spot sa Pool B, nang malaglag ito sa powerhouse third seed na Kranj mula Slovenia, 21-12, sa knockout quarters stage kahapon at mapatalsik sa FIBA 3x3 World Tour Finals sa Xebio Sports Arena.

Ang quartet nina KG Canaleta, Aldrech Ramos, Rey Guevarra at Terrence Romeo ay hindi nakaiskor sa huling 5:13 minuto upang sayangin ang kanilang effort na makalapit sa 14-12 makaraang maghabol sa 11-6.

Si Guevarra, ang forward mula Meralco Bolts, ay nagmula sa bench at umiskor ng anim na sunod na puntos at ang kanyang dalawang long 2-pointers ay nagbigay ng pressure sa Kranj, na una nang winalis ang Pool C.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Ngunit hindi na nagawang makalayo ng Manila West.

Naging mabagal ang depensa laban sa isang koponan na maliwanag na mas gamay ang international 3x3 game, ang No. 10 na Manila West, na natalo sa No. 2 Bucharest noong Sabado, 15-13, ay nahirapan din na masabayan ang 10-second shot clock at makakuha ng basket kontra sa mas malalaking Slovenians.

“Ang laki na, ang bibigat pa,” ani Canaleta, na bahagi na ngayong ng NLEX Road Warriors, na nakipagbuno sa ilalim ng basket laban sa 6-foot-8 na si Jure Erzen at 6-foot-5 na si Mensud Julevic habang hindi naman nito dinidepensahan si Dario Krejic na nagbigay sa Kranj’s ng huling walong puntos nito.

“Ang lalakas pang mangapit,” saad naman ni Romeo, na naitabla ang iskor sa 3-all, at ibalik ang Manila West sa laban, 6-5 at 8-6, bago ginawang bentahe ng Slovenians ang dalawang defensive lapses ng mga Pinoy upang makakuha ng tatlong puntos para sa 11-6 na bentahe.

“Iba rin ‘yung galaw nila, pang 3-on-3 talaga; alam mong ensayado sila ng husto,” sambit ni Guevarra.

“It was a learning experience for all of us,” pahayag ni SBP executive director Sonny Barrios, na pinamunuan ang Philippine team, na kinabibilangan din nina Under-18 players Dino San Juan ng La Salle-Greenhills at JP Cauilan at Chino Mosqueda mula National University naglaro ng ilang 3x3 matches sa iba’t ibang Japanese teams bilang bahagi ng 3x3 program ng FIBA.

“SBP intends to expand FIBA’s 3x3 involvement in our grassroots program and we hope to use the World Tour as springboard,” dagdag ni Barrios.

Umabante ang Bucharest upang talunin ang No. 9 Jakarta, 21-8, at mapalapit sa semifinal round kasama ang No. 1 seed na Novi Sad ng Serbia, na nalampasan ang No. 4 na Trbovlje ng Slovenia, 15-13, at No. 5 Saskatoon ng Canada, na dinurog naman ang Denver, 21-3.

Naglalaro habang tinitipa ang istoryang ito sa final ay ang Bucharest kontra Saskatoon at Novi Sad labn sa Kranj.

Ang magka-kampeon sa FIBA 3x3 World Tour ay mag-uuwi ng $20,000 at isang tiket patungo sa FIBA 3x3 All- Stars. Ang runner-up ay makakakuha naman ng $5,000. Sa individual sidelights, ang slamdunk champion ay makakapagbulsa ng $2,000 habang tig-$500 naman para sa second at third placers. Isang Samsung tablet naman ang mapupunta sa shootout winner.