Nina CHARISSA M. LUCI at BETH CAMIA

Inakusahan ng United Nationalist Alliance (UNA) si Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima ng pagkakaroon ng “double standard brand of justice” sa bigong pagpupursige sa mga kaso na kinasasangkutan ng mga kaalyado sa pulitika ni Pangulong Benigno S. Aquino III, kabilang ang mga umano’y sangkot sa multi-bilyon pisong Malampaya Fund scam at pork barrel fund anomaly.

Bukod dito, ipinagtaka rin ni UNA Interim President Toby Tiangco ang biglang pagpapakita ng interes ni De Lima sa kontrobersiya sa Makati City Building 2 na nagpatibay umano ng suspetsa na may orchestrated demolition laban kay Vice President Jejomar Binay.

“It is deplorable that Secretary De Lima, who should administer justice equally, is doing everything to protect the allies of the Administration even beyond 2016. We are aware that members of the Liberal Party who were recipients of the Malampaya Fund, PDAF and even DAP, are being shielded from the investigation. This only goes to show that De Lima is not keen in sending to jail allies of the President,” saad sa pahayag ni Tiangco.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Aniya, 97 alkalde ang nabiyayaan umano sa Malampaya Fund na hindi inimbestigahan ng DoJ o National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong magdeklara ng suporta ang mga ito sa kalihim sakaling kumandidato sa mas mataas na posisyon sa 2016.

Kinastigo rin ng UNA si De Lima sa hindi pagpapalabas ng ulat sa $30 million extortion attempt ni Wilson de Vera, na isang opisyal ng LP; at kawalan ng aksiyon ng DoJ sa affidavit ni Janet Napoles, na 18 senador at mahigit 100 kongresista ang idinawit sa pork barrel scam.

Samantala, iginiit naman ni De Lima na walang kulay pulitika ang imbestigasyon ng DoJ sa kasong kinakaharap ni VP Binay.

Ayon kay De Lima, pinag-aaralan pa ng kagawaran ang merito ng mga impormasyong makukuha ng NBI, kabilang ang paghahanap sa ibang nadidiin sa kaso ng mga Binay at pakikipag-usap sa grupo ng mga whistleblower, sa pangunguna ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado.