Bilang paghahanda sa napipintong pagsabog ng Bulkang Mayon, inilatag na ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang mga contingency plan sa Albay para matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa lugar.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hangad ni Pangulong Benigno S. Aquino III na matiyak ang kaligtasan ng mga residente ng Albay kaya inatasan nito ang ilang miyembro ng gabinete na magtungo sa lalawigan upang subaybayan ang disaster preparedness at relief operation ng pamahalaang panglalawigan.
Bukod kay Lacierda, kabilang sa mga pinakilos para sa disaster preparedness sina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, Health Secretary Enrique Ona, Social Welfare Secretary Corazon Soliman at Defense Secretary Voltaire Gazmin na sumusubaybay sa lagay ng Bulkang Mayon.
Ito ay matapos ihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nagkaroon kahapon ng “quiet eruption” ang Mayon.
Sinabi ni Ed Lagueta, resident volcanologist ng Phivolcs-Bicol, na nakumpirma nila ang pagragasa ng lava nang magsagawa ang ahensiya ng aerial validation sa bulkan.
Ang pagdausdos ng lava ay namataan sa silangang bahagi ng Bonga Gully, na aabot sa 350 metro ang lawak nito mula sa tuktok ng bulkan.
Tinatayang aabot sa 12,931 pamilya o 57,633 katao ang nananatili pa rin sa 48 evacuation center sa Albay.
Aabot na rin sa P88.7 milyon ang halagang tulong na inilaan ng gobyerno para sa evacuees, ayon sa Malacañang. - Genalyn D. Kabiling at Rommel P. Tabbad