Nagpakalat ng 2,000 pulis ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila upang bigyang seguridad ang publiko.

Ayon kay NCRPO Director Carmelo Valmoria, bahagi ito ng kampanya ng Philippine National Police (PNP) kontra krimen at paghahanda na rin sa nalalapit na Undas at Christmas season.

Batid ng PNP na sa habang nalalapit ang Pasko ay karaniwang napapadalas ang pagsalakay ng masasamang loob upang makapambiktima, partikular ng mga maagang namimili ng pangregalo, Christmas decors at pang-Noche Buena.

Mas mainam na umanong handa ang pulisya kaysa sa huli ay pagbuntunan ng sisi ng publiko sa sinasabing kapabayaan ng awtoridad sa pagbibigay ng seguridad.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Mahigpit na babantayan ng mga pulis ang mga shopping mall, commercial center at iba pang matataong lugar, gaya ng mga terminal ng bus, mga paliparan, mga pantalan, gayundin ang mga istasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT), upang mapigilan ang anumang krimen.

Para sa Undas, may mga pulis na itinalaga para magbantay sa mga pampublikong sementeryo sa Metro Manila at magbubukas ng mga Police Assistance Desk para dulugan ng reklamo at iba pang concerns upang matiyak na magiging maayos at payapa ang paggunita sa Araw ng mga Patay.