FOR the first time, ngayon lang may nagtapos na very popular soap opera ang Dreamscape Production ng ABS-CBN na walang protesta ang televiewers.
Kumpara sa ilang nagdaang TV series na sinubaybayan at binigyan ng unconventional ending, ikinatuwa ng supporters ng Sana Bukas Pa Ang Kahapon ang happy ending ng SBPAK.
Gimik night noong Biyernes ng gabi, pero maagang umuwi ang mga sumusubaybay sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon para panoorin ang pagtatapos ng programa at hindi naman sila na-disappoint dahil happy ending, hindi nangyari ang pinagdudahan ng ilang viewers na mapupunta si Rose (Bea Alonzo) kay Leo (Albert Martinez) dahil muling ikinasal ang una at si Patrick (Paulo Avelino).
For goodness’s sake, hindi nagtagumpay ang plano ni Carlos/ Muerte (Tonton Gutierrez) paghigantihan ang buong pamilya ni Rose. By twist of fate, siya ang namatay at nadamay pa ang anak niyang si Shasha (Maricar Reyes) na nagsisisi at nagbago sa huling bahagi ng istorya.
Hindi na ipinakita sa ending si Dina Bonnevie bilang si Laura at pinalabas na lang na sumunod siya sa Amerika kung saan dinala ni Patrick ang kinilalang anak na si Martina at si Lola Patchi (Anita Linda).
Kaya ang mga mensaheng natanggap namin pagkatapos ng last episode, ano ang nangyari kay Dina, bakit wala na siya sa ending?
Samantala, habang pinapanood ng buong cast ng SBPAK ang pagtatapos ng serye ay may wrap party naman sila bilang pasasalamat ng Dreamscape Entertainment sa mga involved sa production.
Naging kaugalian na ng Dreamscape Entertainment na parati silang may cast party sa mismong gabi ng pagtatapos ng programa, kaya maraming artista ang gustong magkaroon ng project sa production ni Deo Endrinal.
Aalamin na lang namin sa Lunes kung ano ang ratings ng Sana Bukas Pa Ang Kahapon The Finale.