Ni BEN ROSARIO
Isang sibilyan at hindi isang pulis ang dapat na mamuno sa Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP) upang maiwasan ang pagkiling sa mga operasyon laban sa mga tiwaling miyembro ng PNP.
Ito ang iginiit ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano nang ihain niya ang House Resolution 1527 na naghihikayat kay Pangulong Benigno S. Aquino III na magtalaga ng kuwalipikadong sibilyan bilang pinuno ng IAS upang mapangalagaan ang propesyunalismo sa hanay ng pulisya.
Isang dating opisyal ng Philippine Marines, sinabi ni Alejano na mas makabubuti kung isang sibilyan ang mamumuno sa PNP-IAS upang hindi maimpluwensiyahan ng mga kabaro nitong isinasailalim sa imbestigasyon matapos masangkot sa iba’t ibang katiwalian.
“The entire Philippine Society is in shock right now not only because of the very high crime rate in our country but because of the fact that several policemen, including police officials, are now the ones initiating the said crimes using their positions of authority and other government-issued resources,” pahayag ni Alejano.
“We need an immediate change in the PNP system regarding the investigation of policemen involved in crimes and we need to follow the law regarding the PNP-IAS,” dagdag ni Alejano.
Una nang nanawagan sina Negros Occidental Rep. Alfredo “Albee” Benitez at Valenzuela City Rep. Sherwin Gatchalian sa PNP IAS na maging mas agresibo sa pagtugis sa “criminals in uniform” bunsod ng dumadaming krimen sa bansa na kinasasangkutan ng mga pulis.
Ipinanukala rin ni Gatchalian ang pagtatatag ng PNP Task Force on Counter Intelligence na tututok sa pangangalap ng impormasyon laban sa mga pulis na sangkot sa mga ilegal na gawain.