Napanatili ng San Beda College (SBC) ang kanilang men’s at women’s taekwondo title habang hindi rin pinakawalan ng San Sebastian College (SBC) ang juniors crown sa pagtatapos ng NCAA Season 90 taekwondo championships na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium.

Matapos ang dalawang araw na kompetisyon, nakatipon ang San Beda Red Lions jins ng kabuuang 432.5 puntos para makamit ang asam na back-to-back championship sa men’s division at kanilang ikapitong pangkalahatang titulo.

Dahil dito, napagtibay ng San Beda ang kanilang estado bilang most winningest team sa liga kasunod ang Letran na may lima at ang College of St. Benilde (CSB) na mayroong apat.

Sa women’s division, nakalikom naman ang Red Lionesses ng kabuuang 422 puntos para makamit din ang asam na unang back-to-back championships at kanilang ikatlong titulo sa liga upang ungusan ang dating katablang St. Benilde na mayroong dalawang kampeonato.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pumangalawa sa Red Lions sa men’s division ang Arellano University (AU) na may 395 puntos, pumangatlo naman ang San Sebastian na may 251.75 puntos, ikaapat ang Lyceum of the Philippines na may 218.18 puntos at ikalima ang St. Benilde na may 193.16 puntos.

Tumapos naman na ikalawa sa kababaihan ang St. Benilde na may 362.17 puntos, pumangatlo ang Lyceum na may 269.25 at ikaapat ang San Sebastian na may 203.25.

Sa juniors division, humakot naman ang Staglets ng kabuuang 384.34 puntos para mapanatili ang titulo sa ikatlong sunod na taon.

Dahil dito, napantayan nila ang Letran bilang ikalawang winningest team sa liga kasunod ng namumunong La Salle Greenhills na may siyam na titulo.

Pumangalawa naman sa kanila ang Emilio Aguinaldo College (EAC)-ICA na may 347.5 puntos at pumangatlo ang San Beda College na may 294.34 puntos.

Samantala, tinanghal namang gold medalist sa men’s division sina Mathew Padilla ng Arellano sa finweght, Wasber Rasad ng Arellano sa flyweight, Darris Cenera ng Lyceum sa bantamweight, Gervin Adtrologio ng San Beda sa featherweight, Wilson Dumo ng St. Benilde sa lightweight, Carlo Perez ng San Beda sa welterweight, ang kanyang kakamping si Keybert Lumbania sa middleweight at Lemar Abapo ng Lyceum sa heavyweight.

Sa kababaihan, nag-uwi naman ng gold medals sina Mary Anjelay Pelaez ng San Beda (fin), Incheon Asian Games veteran Ronna Ilao ng Lyceum (fly), Merryl Mercado ng San Beda (bantam), Raniella Bangcoyo ng Arellano (feather), Thea Ramos ng San Beda (light), Therese Montinola ng St. Benilde (welter), Clarisse Vrntudazo ng St. Benilde (middle) at Dioane Castil ng San Beda (heavy).

Para naman sa juniors division, nagsipagwagi ng gold medals sina Carlo Dominic Dionisio ng La Salle Greenhills (fin), Jerthome Lorezno ng EAC-ICA (fly), Kamalayan Latupan ng LSGH (bantam), Vincent Santos ng San Sebastian (feather), ang kakamping si James Galita (light), Jason Abanto ng San Beda (welter), Leonardo Bautista ng San Sebastian (light middle), Lance Cuvinar ng San Beda (light heavy) at Milton Lee ng San Beda (heavy).

Nagwagi rin sa poomsae competition na idinaos sa ikatlong pagkakaton bilang demonstration sport ang San Beda.