Ni Jenny F. Manongdo

Sinuspinde kahapon ang klase sa San Beda College sa Maynila matapos itong makatanggap ng bomb threat mula sa hindi kilalang lalaki.

Dakong 10:00 ng umaga nang ihayag ng Bedan, ang official publication ng kolehiyo, na suspendido ang klase bunsod na natanggap na bomb threat ng isang school staff.

Noong Biyernes, binulabog din ng bomb threat ang University of Santo Tomas sa España Boulevard sa Maynila.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ayon kay Insp. Arnold G. Santos, ng Manila Police District (MPD) Explosive Ordnance Division (EOD), nakatanggap ng text message ang isang faculty member ng UST na nagsabing may tatlong bomba na itinanim sa isang gusali ng unibersidad at sasabog ito eksaktong 3:00 ng hapon.

Nang suyurin ng mga bomb expert ang lugar ay wala namang natagpuang bomba.

Hindi naman nagsagawa ng evacuation o pagsusupinde ng klase ang mga opisyal ng unibersidad.

Simula Enero, umabot na sa 17 ang bomb threat na nirespondehan ng MPD-EOD, 14 ay mula sa mga paaralan, isa ang sa restaurant, isang supermarket at isang office building.

Kabilang sa mga paaralan na binulabog ng bomb threat ang Far Eastern University, Polytechnic University of the Philippines, College of Saint Benilde at Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST).

“Dumadalas ito (bomb threat) tuwing exam week. Ang suspetsa namin na ang karaniwang pinagmumulan nito ay isang estudyante na hindi nakapaghanda sa exam o hindi nakapagbayad ng tuition fee,” ayon kay Santos.