Ang koponan na makakapagexecute ng maayos sa kanilang mga estratehiya ang siyang magkakaroon ng malaking tsansang manalo at tanghaling kampeon sa kanilang knockout game sa UAAP Season 77 basketball tournament sa Oktubre 15 sa Smart Araneta Coliseum.

Ito ang paniniwala ng isa sa pambatong manlalaro ng National University (NU) Bulldogs at finals protagonist ng UAAP men’s basketball finals na si Gelo Alolino.

Ayon kay Alolino, ang ace starting guard ni coach Eric Altamirano, wala siyang nakikitang bentahe kontra sa katunggaling Far Eastern University (FEU) sa kabila ng kanilang naging pagbawi sa Game Two kung saan tinambakan nila ang Tamaraws sa iskor na 62-47.

“Wala po akong nakikitang advantage, kasi Game Three na po ‘yun, last game na, I’m sure babawi ang FEU at gagawin nila ang lahat para manalo,” pahayag ni Alolino.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Para kay Alolino na produkto ng University of Perpetual Help Altalettes sa NCAA, kailangan lamang nilang makapag-execute ng maayos kung hindi man ay magawa nilang doblehin pa ang kanilang effort sa kanilang depensa.

Kilala sa tatak bilang pangunahing “defensive team” ng liga, ayon kay Alolino ay ito ang sasandigan ng Bulldogs upang makamit ang asam nilang titulo.

Ito aniya ang puwede nilang ipantapat sa ipinagmamalaki namang eksplosibong opensa ng FEU.

Target ng NU na makamit ang kanilang unang kampeonato makaraan ang mahigit apat na dekada matapos silang makatikim ng huling kampeonato noong 1954.

Sa kabilang dako, tatangkain naman ng FEU na patatagin ang kanilang pagkakaluklok bilang most winningest team ng liga sa pagangkin ng kanilang ika-20 titulo.