BUWAN ng Santo Rosario ang Oktubre. Tradisyonal nang aktibidad sa pagdiriwang ng Buwan ng Santo Rosario ang pagdarasal, pagninilay, pagnonobena at pagdaraos ng misa. Sa Angono, Rizal , ang pagrorosaryo at pagnonobena ay sinisimulan sa Setyembre 28 hanggang Oktubre 6 sa simbahan na naroon ang imahen ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario. At pagsapit ng ika-7 ng Oktubre, ipinagdiriwang ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario. Matapos ang isang misa ng pasasalamat, kasunod na ang prusisyon.

Tampok sa prusisyon ang 20 bandera na nakalarawan ang mga Misteryo ng Tuwa, Hapis, Luwalhati at Liwanag. Kabilang sa mga bandera ang isang original na religious painting ni Botong Francisco na ikalawang Misteryo ng Luwalhati — ang Pag-akyat sa Langit ni Kristo. Ayon kay Gng. Leonor Silayan Bautista, ang mayari ng painting ay si Gng. Gertrudes Blanco na lola niya. Ang ibang larawan ay iginuhit naman ng mga kilalang pintor sa Angono at bansa na sina Jose Pitok Blanco, Vicente Reyes at ng primitive painter na si Tandang Juancho Pinon.

Ang mga Misteryo ng Rosaryo ay mula sa Bagong Tipan tungkol sa mga pangyayari sa buhay ni Kristo Jesus at ng Mahal na Birheng Maria. Ang limang Misteryo ng Liwanag ay idinagdag ni Saint John Paul II noong Oktubre 15, 2012. Ibinatay ito sa kanyang Apostolic Letter na may pamagat na “Rosarium Virginis Mariae.” Dinarasal ang Misteryo ng Liwanag tuwing Huwebes.

Bilang kilalang debosyon sa Mahal na Birhen, ang Rosaryo ay itinuturing na sagisag ng kabanalan. May paniwala ang marami na ang Rosaryo ay parang kuwintas ng mga rosas. Bawat dalanging sinasambit sa pagdarasal nito ay isang espirituwal na rosas na iniaalay sa Mahal na Birhen.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang mga naging Papa sa Roma ay nagtagubilin na mag-rosaryo. Si Pope Leo XIII ang nagmungkahi ng pagrorosaryo tuwing Oktubre. Ayon kay Pope Leo XIII, ang Rosaryo ay isa sa pinakamahusay na dalangin kay Maria para sa ikabubuti ng ating nawalay na mga kapatid sa pananampalataya. Ang pagrorosaryo ay pinagtibay ni Saint Pope Pius V noong 1569.