Ni ALI G. MACABALANG

COTABATO CITY – Isa pang pagsabog ang nangyari sa North Cotabato, partikular sa Barangay Poblacion ng bayan ng Libungan, noong Biyernes ng gabi, dalawang araw makaraang sumabog ang isang granada sa loob ng isang simbahan sa Pikit na ikinasawi ng tatlong katao.

Ayon sa paunang report ng militar at mga sibilyan, nangyari ang pagsabog sa palengke ng Libungan pasado 9:00 ng gabi noong Biyernes.

Itinanim ang pampasabog sa pagitan ng dalawang truck na nakahimpil sa isang gasolinahan sa Poblacion. Walang napaulat na nasugatan sa pagsabog, pero nasira ang ilang bahagi ng dalawang truck.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Samantala, isa pang hinihinalang improvised explosive device ang nadiskubre sa University of Southern Mindanao sa Kabacan, North Cotabato, ilang minuto makaraan ang huling pagsabog.

Ayon sa rumespondeng K9 team, kumpirmadong pampasabog ang nasa package at ligtas naman itong nadetonate ng awtoridad.

Puspusan naman ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang posibleng motibo at suspek na nasa likod ng pagpapasabog at ng bigong pambobomba nitong Biyernes.

Isang delegasyon ng European Union at ng partner entities nito sa isang peace journalism awards na inilunsad nitong Biyernes sa siyudad ang nakatakdang bumisita kahapon sa isang proyektong pinondohan ng EU sa Kabacan, ang mismong lugar ng pambobomba.

Matatandaang tatlong mananampalataya ang napatay noong gabi ng Oktubre 8 habang apat na iba pa ang nasugatan nang maghagis ang mga suspek na lulan sa motorsiklo ng isang 40-millimeter round mula sa isang grenade launcher sa loob ng UCCP church sa Pikit.

Ayon sa mga imbestigador, personal na galit sa isa sa mga nasawi ang tinitingnang anggulo sa krimen.