Ipinababalik ni dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos ang mga mamahaling painting ng kanyang pamilya na kinumpiska ng gobyerno kamakailan.
Ito ay matapos maghain ng mosyon sa Sandiganbayan ang kongresista para hilinging ibalik sa kanila ang aabot sa 15 painting na sinamsam kamakailan ng mga tauhan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) at National Bureau of Investigation (NBI) mula sa ancestral home ng kanyang pamilya sa San Juan.
Sa nasabing usapin, kinuwestiyon ng kongresista ang seizure order ng anti-graft court sa mahigit 100 painting na koleksiyon ng pamilya Marcos.
Nauna nang inihayag ng antigraft court na ang tinukoy na mga painting ay bahagi ng umano’y ill-gotten wealth ng pamilya Marcos.
Dahil pa rin sa kautusan ng hukuman, sinalakay ng nasabing raiding team ang Marcos Museum sa Batac City, Ilocos Norte pero nabigo ang mga ito na makarekober ang iba pang painting.
Kabilang sa nasabing paintings ang “Madonna and Child” ni Michelangelo, “Femme Couchee VI” ni Picasso at “Still Life with Idol” ni Paul Gaugin.