Nangangamba ang mga abogado ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kaligtasan nito sakaling ipag-utos ng korte na ilipat ito sa piitan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Dahil dito, hiniling ng mga abogado ng mambabatas sa Sandiganbayan First Division na ibasura ang mosyon ng prosekusyon na humihiling na ilipat ng piitan ang senador mula sa Camp Crame patungo sa detention facility ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa.
Bukod sa posibleng pagbuwelta ng mga nakabangga nito bunsod ng mga exposé sa iba’t ibang anomalya, ikinababahala rin ng mga abogado ni Revilla ang banta sa kanyang seguridad kung isasama siya sa mga ordinaryong kriminal na nakapiit sa Camp Bagong Diwa facility.
Ginamit ding dahilan ni Revilla ang testimonya ni BJMP-National Capital Region (NCR) Director Senior Supt. Romeo Vio sa Fifth Division noong Agosto 29 na hindi nito matitiyak ang kaligtasan ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada kung ililipat ito sa BJMP mula sa Custodial Center sa Camp Crame.
Ang testimonya ni Vio ang naging basehan ng Fifth Division sa pagpapalabas ng resolusyon na nagbasura sa kahilingan ng prosekusyon na ilipat si Estrada sa Camp Bagong Diwa.