Ni JC BELLO RUIZ

“Isa kang abogado kaya dapat alam mo rin.”

Ito ang naging tugon ni Vice President Jejomar C. Binay sa naging hamon sa kanya ni Senator Miriam Defensor Santiago na dumalo siya sa Senate Blue Ribbon subcommittee upang sagutin ang mga paratang laban sa kanya hinggil sa umano’y pagkakasangkot niya sa mga katiwalian sa Makati City.

Iginiit ni Santiago na ang patuloy na pagtanggi ng bise presidente ay isang senyales na “guilty” ito sa mga paratang.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Subalit sinabi ni VP Binay na sa Office of the Ombudsman na lang siya magpapaliwanag sa halip na humarap sa Senate inquiry, na “may kinikilingan.”

“Pare-pareho naman tayong abogado. Pero kung ikaw ako, kung sasabihin ko sa iyo na ang pupuntahan mo ay pre-judged na, kung sasabihin ko sa iyong babastusin ka, tatakutin ka?,” tanong ni Binay.

“Kung sasabihin ko sa iyong meron na namang kaso sa Ombudsman tutal, kung sasabihin ko sa iyo na hindi na in aid of legislation dahil wala na sa resolution, sisipot ka ba? Gusto mo bang mabastos?” dagdag tanong pa ng bise presidente.

Aminado si Binay na nasaktan siya sa alegasyon na siya ang may-ari ng 350-ektaryang lupain sa Rosario, Batangas at itinuring niyang “below the belt” ang nasabing huling paratang ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado.