PARANG EBOLA ● Hindi na yata masusugpo ang krimeng kinakasangkapan ang motorsiklo. Matagumpay na naisasaktuparan ng mga kriminal ang kanilang maitim na balakin sa marahas na paraan gamit ang motorsiklo. Kamakailan lang, isang dating radio anchorman sa Bangued, Abra ang binaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem. Agad na namatay si Jacinto “Jack” Turqueza, 44. Birthday ng isang piskal noon at dumadalo si turqueza kasama ang kanyang maybahay. Matapos iuwi ni Turqueza ang kanyang maybahay, nagbalik siya sa selebrasyon sapagkat nalimutan niya ang kanyang cellphone, ngunit paghantong niya sa taft. St., Bangued, agad na pinaputukan siya ng naturang riding-in tandem. Isinugod naman sa ospital si Turqueza ng mga nakasaksi ngunit namatay din kalaunan. Tulad ng Ebola virus na nanalanta sa maraming bahagi ng Africa, napakabagal ng pagbabalangkas ng mga polisiya upang masugpo ang kriminalidad na gumagamit ng pinakamura at pinakapraktikal na kasangkapan ng kasamaan – ang motorsiklo.
NALILIGAW NA ICON ● Sobrang layo pa ng Pasko, isinasaere na ang mga awiting pamasko. totoo ngang sa Pilipinas lamang ang may pinakamahabang selebrasyon ng Pasko kasi nga, “araw-araw ay magiging Pasko lagi”. okay lang naman marahil ang kapanabikan ng ganitong kaaga ang itinakdang araw ng pagsilang ng Dakilang anak ng Diyos, na Siya naman talagang “Star” ng okasyon – kahit pa darating ang mapanglaw nga pagdaraos ng araw ng Patay at ang araw ng mga Kaluluwa. ang hindi lang katanggap-tanggap sa akin (ako lang marahil sa buong Pilipinas) ay ang paglitaw ng mga imahe ni Santa Claus sa mga shopping mall, mga paaralan, at kung minsan sa mga opisina. Wala sa ating kultura si Santa Claus – kahit pa damitan siya ng Barong tagalog at sumakay ng kalabaw. Siguro, noong unang panahon, naligaw si rudolf – the red-nosed reindeer – at natangay nito si Santa Claus sa Pilipinas. Talagang foreigner si Santa Claus sa atin dahil ang kasuotan niya ay nababagay lamang sa bansang malamig ang klima. Si Jesus ang nakahabi sa ating kultura, sa ating pagkatao, at sa lahat ng aspeto ng ating buhay – Pasko man o hindi. O, di ba ang laki ng problema ko kay Santa Claus? Kasi naman, siya na ang makislap at maningning sa panahon ng Pasko. Natabunan na ng kanyang komersiyo ang Jesus na isinilang sa piling natin.