Nag-walk out kahapon ang mga guro at estudyante ng Philippine Normal University (PNU) at iba pang paaralan bilang protesta laban sa Department of Budget and Management (DBM) sa pagtapyas nito ng malaking bahagi sa 2015 budget ng paaralan.
Tinaguriang “Walk Out Against Budget Cut,” nagmartsa din ang mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) kasama ang mga estudyante ng PNU sa punong tanggapan ng DBM sa General Solano St., San Miguel, Manila upang kondenahin ang hindi pagbibigay umento sa sahod ng mga guro ng gobyerno.
Sa panayam, sinabi ni Regent Dana Beltran, estudyante ng PNU, na mahigit sa 300 guro at estudyante, kabilang ang ilan mula sa ibang mga paaralan, ang nakibahagi sa demonstrasyon upang ipaglaban ang pagkakaroon ng kalidad na edukasyon.
Binatikos ng grupo ang pagtapyas ng DBM sa P569 milyon mula sa panukalang P3 bilyon para sa PNU.
“Ang alokasyon na ito ay ang pinakamaliit para sa mga state college at university sa National Capital Region,” batikos ni Beltran. - Ina Hernando Malipot