Ni NESTOR L. ABREMATEA

TACLOBAN CITY, Leyte – Inaprubahan na ng Sangguniang Panlungsod ng Tacloban ang isang resolusyon na nagdedeklara na gawing isang memorial site ang isa sa mga sumadsad na barko noong pananalasa ng supertyphoon “Yolanda”.

Sinabi ni First Councilor Jerry S. Uy na ipinasa nila ang isang resolusyon na nagdedeklara sa mga barkong itinulak sa lupa ng malalakas na hangin at alon bilang mga “nuisance” o nakakgugulo maliban sa M/V Eva Jocelyn dahil ito ay gagawing isang bantayog ng bagyong “Yolanda”.

“We passed a resolution declaring all grounded ships at Barangay Anibong and Diit, Tacloban City as public nuisance, except MV Eva Jocelyn as there is a plan to convert it as Yolanda memorial,” pahayag ni Uy, chairman ng Committee on Laws and Privileges.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sa ilalim ng Local Government Code, sinabi ni Uy na may kapangyarihan ang Sangguniang Panlungsod na magdeklara ng “nuisance” sa ano mang bagay na nakasasagabal sa publiko.

Sinabi ni Barangay 68 Chairman Chat Bactol na kailangan munang magpasa ang konseho ng isang resolusyon upang masimulan ang salvaging operation sa mga nakabalandrang barko sa siyudad.

Bukod dito, sinabi pa ng barangay official na pansamantalang ipinatigil ang pagbabaklas ng mga cargo ship hanggang Nobyembre 8 upang magbigay-daan sa unang anibersaryo ng pananalasa ni “Yolanda”.