Bagamat hindi sapat ang naging paghahanda, nakuha pa ring maipanalo ng PLDT Home Telpad ang una nilang laro makaraang padapain ang Meralco sa loob ng tatlong sets, 25-18,25-21,25-19, noong Huwebes ng gabi sa pagpapatuloy ng Shakey's V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Nagkaroon lamang halos ng dalawang ensayo bago sumabak sa laro, nagawa pa ring dominahin ng Turbo Boosters ang Power Spikers sa pangunguna ni dating league MVP Suzanne Roces at upcoming star na si Gretchel Sol tones.

Nagtala ang dalawang power hitters ng tig-14 puntos upang pamunuan ang unang panalo ng kanilang koponan sa season ending conference ng torneo na itinatagu yod ng Shakey's.

"Halos hindi kami nakapag-ensayo kasi nga may mga trabaho sila at saka biglaan talaga 'yung pagsali namin dito," pahayag ni PLDT coach Roger Gorayeb na kararating pa lamang noong nakaraang Huwebes na galing sa London kasama ni Universty of Santo Tomas women's volleyball team coach Odjie Mamon matapos imbitahan ng mga Filipino community doon upang magsagawa ng volleyball clinics at seminar.

National

Surigao del Norte, niyanig ng 4.0-magnitude na lindol

Sa kabilang dako, nanguna naman sa Power Spikers, na nalaglag sa kanilang ikalawang sunod na pagkabigo, si Stephanie Mercado na nagtala ng 9 hits kasunod si Maica Morada na umsikor ng 8 hits.

Una rito, nakabuwelta mula sa una nilang pagkatalo sa kamay ng Systema Tooth and Gum Care ang Far Eastern University (FEU) makaraang magtala ng isang came-from-behind 5-setter win laban sa Rizal Technologcal University (RTU).

Bumangon buhat sa 2-sets na pagkakaiwan ang Tamaraws upang gapiin ang koponan na hawak na ngayon ng dati nilang head coach na si George Pascua, 17-25, 21-25, 25-23, 25-20, 16-14.

"Maganda din ' yung nangyari na umabot ng five sets bago kami nanalo. Kasi makatutulong 'yun ng malaki sa ginagawa naming build-up para sa UAAP," pahayag ni FEU coach Kit Santos na umaasang mapapalakas ng kanilang paglahok sa V-League ang laro ng kailang mga player, partikular ang kanilang blocking.

Pinangunahan ni Greg Dolor ang nasabing panalo ng Tamaraws sa kanyang itinalang 18 puntos, kabilang na rito ang 3 blocks.

Ang kabiguan naman ang una pa lamang para sa Blue Thunders sa unang men's division competition ng liga na suportado rin ng Accel at Mikasa.

Samantala, nakatakdang puntiryahin ng PLDT ang kanilang ikalawang panalo sa pagsalang nila ngayon sa ganap na alas-6:00 ng gabi kontra sa Cagayan Valley na hangad namang makabawi mula sa natamong unang kabiguan sa kamay ng Philippine Army (PA).

Samantala, ikalawang panalo rin ang target ng Instituto Estetica Manila sa kanilang pagsalang laban sa RTU sa alas-2:00 ng hapon.

Tinalo ng Volley Master sa una nilang laro ang Systema.