Kinagalitan ng Commission on Audit (CoA) ang ilang opisyal ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa kabiguan umano ng mga ito na iprioridad ang mga rehiyon, na talamak ang kahirapan, sa pamamahagi ng ahensiya ng P1.5 bilyon tulong pinansiyal para sa proyekto ng mga magniniyog at magsasaka ng palmera.
Base sa performance audit sa PCA noong 2013, nadiskubre ng CoA na bigo ang ahensiya na ipatupad ng Item 7 ng Special Provisions ng 2013 General Appropriations Act (GAA) sa tamang pamamahagi ng P1,505,750,000 subsidiya ng gobyerno para sa mga magniniyog.
Sa ilalim ng probisyon ng GAA obligado ang PCA na bigyan ng prioridad ang mga probinsiya o rehiyon na maraming maralitang magsasaka, base sa talaan ng National Statistical Coordination Board.
Kabilang sa paglalaanan ng P1.5 bilyon subsidiya ng gobyerno ang Coconut Planting/Replanting Project, Coconut Fertilization Project, at Kasaganaan sa Niyugan ay Kaunlaran ng Bayan Project.
Sa audit report, nadiskubre ng CoA na ang malaking bahagi ng pondo ay inilaan sa Regions 5, 8, 4-A at 11.
“Further comparison made on the said budget with the data of FY 2009 Poverty Incidence Among Families produced and compiled by NSCB revealed that provinces or regions with high incidence of poverty were not prioritized in the allocation of budget project cost,” ayon sa audit report.
Lumitaw din sa datos ng CoA na nakakuha ng malaking pondo mula sa budget ang Regions 4-A at 11 bagamat ang mga ito ay itinuturing na ika-16 at ika-10 sa listahan ng mga rehiyon na may “high poverty incidence” noong 2009.
“Said appropriation, on the other hand, holds contrary to the budget allocation for Regions X, XIII and ARMM, wherein they ranked 13th, 9th, and 7th but their respective poverty incidence were rated 56th, 1st and 2nd, thus, considered, high,” anang mga state auditor. - Ben Rosario