Kinontra ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima ang panukalang bawiin ang Anti-Money Laundering Act (AMLA) dahil mahalaga, aniya, ang naturang batas sa pagpapairal ng hustisya sa bansa.

Sa halip, iginiit ni De Lima ang pagrerepaso ng Kongreso sa AMLA at tukuyin ang mga butas nito na ginagamit ng mga kriminal upang makaiwas sa kamay ng batas.

“A review of the law is better than repealing it. Lawmakers should come up with solutions to remove the deficiencies and gaps in the law,” pahayag ni De Lima.

“I don’t think there are countries that do not have an anti-money laundering mechanism,” dagdag niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon pa sa kalihim, mahalagang instrumento ang AMLA laban sa mga organisadong kriminal na sangkot sa pagtutulak ng droga, human trafficking at iba pang transnational crime.

Sa halip na ibasura, sinabi ni De Lima na dapat pang palakasin ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang makakuha ng karagdagang impormasyon sa pagsasagawa nito ng imbestigasyon laban sa organized crime group, partikular sa pag-uungkat sa mga bank account.

“It’s an integral part and crucial part of an effective justice system, we need an effective anti-money laundering mechanism,” aniya.

Sa pagdinig ng Senate Finance Committee sa budget ng AMLC, hinikayat ni Julia Bacay-Abad, executive director ng AMLC Secretariat, ang mga senador na aprubahan ang karagdagang budget para sa training at scholarship program na aabot sa P7.9 milyon mula sa P190,000.

“We were only given P190,000 despite the fact we need to constantly train our people. We know for a fact criminals in money laundering schemes are advanced in technology so we need to catch up with them,” pahayag ni Abad. - Hannah L. Torregoza