Umaasa ang Philippine Sports Commission (PSC) na maaprubahan ng Senado at Kongreso ang panukalang batas na magpapahintulot upang maitayo ang isang eksklusibong National Training Center na magsisilbing tahanan ng pagsasanay ng mga de-kalidad na atleta sa bansa.
Ayon kay PSC Chairman Richie Garcia, nakasalang ngayon ang isang panukalang batas para sa pagbuo ng world class at state of the art na National Training Center sa Kongreso sa ilalim ni Davao Del Norte Representative Antonio del Rosario habang sa Senado ay inakda naman ito ni Senador Sonny Angara.
"We really wanted to go out of Rizal. We have to go to the provinces for better training. Very polluted na ang Rizal, napakarami pa ng destruction. We wanted to have a much better training place, one that our athletes can focus and concentrate on their training," pahayag ni Garcia.
Nakasaad naman sa panukalang batas na maitayo ang nagkakahalagang PIB world class at state of the art na training center na hindi lamang maglalaman ng pasilidad at equipment kundi ang maging sports science at research, talent identification, nutrition and well being, sports psychology at center for sports medicine.
"We are really lagging behind in many aspects of sports. Even doon sa sports seminar na isinagawa natin, very basic ang foundation to develop our young athletes pero hindi naituturo ng maayos. That is really one aspect that we want to focus should we able to build the training center," giit ni Garcia.
Hangad naman ni Garcia na kung sakaling maaprubahan ang panukalang batas ay maitatayo ang training center sa mataas na lugar na tulad ng Baguio o alinman sa probinsiya na hindi pa naaabot ng polusyon at iba't ibang aktibidad na laganap sa paligid ng Rizal Sports Complex.
Samantala, nakatuon naman ang Philippine Olympic Committee (POC) sa posibleng mapagtayuan na 40-ektaryang lupa sa Clark Field, Pampanga kung saan ay maaring magkabahay ang 150 hanggang 200 atleta.