IISA ang nakikita kong kahulugan ng nakahihiya at nakapanlulumong resulta ng katatapos na asian Games: Patuloy na pagbaba ng kalidad ng Philippine sports at kakulangan ng kakayahan at pagmamalasakit ng mga namamahala ng mga atleta. Sa pagkabigong tayo ay makahakot ng mga medalya – tulad ng ipinangangalandakan ng ilang nagmamagaling na sports leaders – halos mangulelat tayo sa hanay ng mga kalahok sa naturang paligsahang pampalakasan. Ang ating mga atleta ay mistulang umuwing tumatangis, bagamat naroroon ang marubdob na pagmamalaki na sila ay mga Pilipino.

Hindi pa huli ang lahat upang minsan pang idambana ang ating sports program sa pinakamataas na pedestal ng karangalan. Marahil, kailangan ang ganap na pagbabago sa sistema ng palakasan na kung maaari ay higit pa sa epektibong mga programa na ipinatutupad ng mga bansang kalahok sa kompetisyon. Kabilang sa mga pagbabagong ito ay pagbibitiw sa tungkulin ng mga sports leaders na naging pabigat lamang at walang malasakit sa pagpapaunlad ng palakasan sa bansa. Marapat na rebisahin ang mga estratehiya sa pagpili ng mga atleta, salain ang bilang ng delegasyon upang matiyak na ang mga karapat-dapat lamang na mga kinatawan ang ating ipadadala sa mga sports event.

Pinakamahalaga, siyempre, ang pagsasanay ng ating mga atleta sa lahat ng pagkakataon – mula pagkabata hanggang sa sila ay maging handanghanda sa iba’t ibang larangan ng isports bago sila humarap sa kanilang mga katunggali. Mapapansin na ang mga atleta sa ibang bansa, halimbawa, ay sinisimulan nang sanayin mula sa kanilang kabataan; at sila ay nakatira sa mga training center sa pamamatnubay ng mga bihasa at mapagkakatiwalaang coaches. Kumpleto sila sa lahat ng kanilang pangangailangan, tulad ng pondo para sa mga allowance, pagkain, mabubuting pasilidad, at mga bitamina.

Metro

Posibleng tanggalan ng lisenya? Viral video ng sekyu sa isang mall, pinaiimbestigahan na!

Mahalagang maidagdag sa pagpapasigla ng Philippines sports ang paghahanap ng mga atleta na may gold potential, wika nga, sa iba’t ibang sulok ng bansa. Kahawig ito ng Gintong alay sports program na ipinatupad maraming taon na ang nakalilipas. Ilan lamang ito sa tiyak na muling bubuhay sa ating sports program.