IMUS, Cavite – Isang babae, na napaulat na misis ng isang drug suspect, ang namatay noong Huwebes ng hapon habang anim na iba pa, kabilang ang isang barangay kagawad, ang nasugatan nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang lalaki ang sinasakyan nilang SUV sa Aguinaldo Highway sa Bayan Luma VIII sa lungsod na ito.

Ayon kay Imus Police chief Supt. Redrico A. Maranan, nangyari ang ambush makaraang lisanin ng grupo ng mga biktima ang Camp General Pantaleon Garcia sa siyudad, kasunod ng pagdakip kay Macatiwas Pangandapon sa isang anti-drug operation sa Barangay Datu Esmael, Dasmariñas City.

Kinilala ni Maranan ang nasawi na si Esnijaya “Durian” Pangandapon, na asawa umano ni Macatiwas, habang sugatan sa insidente sina Ibami Hadjihasis, kagawad ng Barangay Datu Esmael; Hadji Raihana Makalangan; Inocaya Taha; Jamael Hadjitaha; Inocaya Hadjitaha; at Jeffrey Sanchez.

Hindi na umabot nang buhay si Pangandapon sa Emilio Aguinaldo College Medical Center sa Dasmarinas City. Dinala na ang kanyang labi sa isang mosque sa Bgy. Datu Esmael at ibibiyahe patungong Magid, Lanao del Sur.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ayon sa imbestigasyon, lulan ang mga biktima sa isang Toyota Innova (WQD-945) mag-aalas sais ng gabi noong Huwebes nang pagbabarilin ng mga suspek ang sasakyan na minamaneho ni Jamael Hadjitaha. (Anthony Giron)