Muling binuhay ng Korte Suprema ang petisyon na humihiling na huwag palusutin ang isa sa mga opisyal ng Sulpicio Lines sa kriminal na pananagutan kaugnay ng paglubog ng MV Princess of the Stars noong Hunyo 2008.
Ito ay makaraang katigan ng Supreme Court (SC) Second Division ang motion for reconsideration na inihain ng Office of the Solicitor General (SOLGEN) at Public Attorney’s Office (PAO) na kumakatawan sa mga kaanak ng mga nasawi sa trahedya.
Una nang pinagtibay ng SC sa nauna nitong desisyon ang pasya ng Court of Appeals (CA) na nagbabasura sa kasong kriminal na inihain ng Department of Justice (DoJ) laban kay Edgar Go, Vice President for Administration ng Sulpicio Lines.
Pero sa huling resolusyon ng SC Second Division na pinamumunuan ni Associate Justice Antonio Carpio, pinagbigyan nito ang motion for reconsideration ng mga kaanak ng biktima at inatasan si Go na maghain ng komento sa loob ng 10 araw.
Hindi rin pinayagan ng SC Second Division na iakyat sa SC En Banc ang kaso.
Nauna nang iginiit ng OSG sa mosyon nito na mayroong sapat na batayan para litisin si Go sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries at damage to properties.