Pormal nang sinampahan ng kasong kidnapping with serious illegal detention ang grupo na tinaguriang United States of Allied Freedom Fighters of the East (USAFFE) na pinamumunuan ng kumander na si Atty. Ely Pamatong sa Cagayan de Oro Prosecutor’s Office.

Ang kaso ay bunsod ng insidente ng pagdukot ng grupo ni Pamatong sa isang menor de edad, na kasalukuyang nasa kanilang kustodiya sa kampo sa Purok 13, Barangay Tablon sa lungsod.

Ayon kay Senior Insp. Elmer Robas, hepe ng Cugman Police Station, mismong mga magulang ng biktima ang dumulog sa kanilang tanggapan upang maghain ng asunto laban kay Pamatong at sa ilan niyang tauhan.

Sinabi ni Robas, sapul nang dumating sa kanilang lugar si Pamatong, puro sakit ng ulo lamang ang kanyang dala.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Si Pamatong ay inirereklamo rin ng mga residente sa lungsod ng harassment, pangingikil at pagbabanta sa kanilang mga buhay, dahilan kaya dumulog sila sa pamahalaang lokal ng lungsod para magpasaklolo.

Gayunman, tahasang itinanggi ni Pamatong ang lahat ng mga akusasyon na ibinato laban sa kanilang grupo, na nagsabing tanging si Robas ang mayroong pakana sa lahat upang magalit ang mga residente sa kanya.

Iginiit ni Pamatong, kung mayroong dapat tugisin ang gobyerno, walang iba kundi si Robas dahil sa mga ginawang mga ilegal na aktibidad.