gloc-9

MALAKING utang na loob pala ang tinatanaw ni Gloc 9 sa ABS-CBN executive na si Enrico Santos dahil ito ang nagbigay ng break sa kanya.

Inilako niya ang kanyang demo tape noon sa recording studios, pero ni isa ay walang pumansin. Tanging si Enrico ang nagbigay ng tsansa na pakinggan ang demo tape niya.

"Siya 'yung nakakuha ng demo tape ko na actually scrap na 'yun, eh, dinampot nila, napakinggan nila 'tapos 'pinahanap nila ako, after mga ilang buwan, nakita nila ako at doon na nagsimula. Simula ng mahabamahabang biyahe. Nag-record po ako ng songs for movie na ginagawa nila that time na Trip," pagtatapatng sikat na rapper.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang Trip ng Star Cinema ay pinagbidahan noong 2001 nina Kristine Hermosa, Heart Evangelista, John Prats, Marvin Agustin at Jericho Rosales sa direksiyon ng yumaong si Gilbert Perez.

"Doon na talaga nagsimula ang career ko, nag-release ako ng dalawang album sa Star Records, 2003 at 2005. Taong 2006, nalipat po ako sa Sony Music, 'tapos 2012 (hanggang ngayon) nalipat ako ng Universal" Sa pitong album ni Gloc 9 ay nakatikim siya ng platinum at gold.

"Ako po'y nagpapasalamat," ani Gloc 9 na bago maging rapper ay naging kitchen helper, service crew sa fast food chain, researcher sa ABS-CBN.

"From madumi to malinis na trabaho po pinagdaanan ko. Kaya sabi ko nga po sa mga anak ko, hindi ako takot lumipat na kahit anong trabaho dahil alam ko lahat at napagdaanan ko," kuwento ng rapper na tinitingala nang husto hindi lang ng kanyang mga tagahanga kundi maging ng iba pang mga rapper.

Pangarap niyang, "Makapagprovide po para sa mga anak ko ng magandang buhay. Kung meron man akong gustong ma-achieve ay 'pag wala na ako ay maging proud 'yung mga anak ko sa mga nagawa ko na ipagmalaki nilang ako 'yung tatay nila.

"Kambal po ang anak ko, babae at lalaki po na ten (years old) kaya medyo nagdedebate na kami. Pareho po silang mahilig sa music, ang rule ng daddy, finish school before anything. Ayoko rin po kasing maranasan nila 'yung hirap na dinanas ko."

Nursing graduate si Gloc 9.

"Two thousand ten (2010) po ako grumadweyt ng nursing, pero hindi ako nakapag-board, at that time kasi na naka-graduate, doon na dumami ang trabaho ko. Sabi ko nga po, sana 'pag dumating 'yung time na gusto ko nang mag-nurse, eh, hindi ko na kailangang mag-nurse," pabirong sabi ni Gloc 9.

Dalawa sila ni Abra na pinakasikat na rapper sa Pilipinas ngayon, ano ang masasabi niya na magkapareho sila ng genre?

" Ako po ay natutuwa at nagagalak din sa tinatamasa niya sa kanyang career, lagi ko nga po sinasabi na masaya magkaroon din ng ibang artist dahil at the end of the day ay trabaho for everybody," sabi ni Gloc9.

"Magkaiba po kami, unang-una sa edad, mas bata po siya, sa content siguro ng kanta, iba 'yung tina-tackle niya, iba 'yung tina-tackle ko, it's not really that similar po. Ang tinatackle po ni Abra, siguro po dahll sa kanyang edad, iba 'yung perspective na gusto niyang pag-usapan. Ako kasi mature ng konti," paliwanag ni Gloc9.

Patama sa mga pagkukulang ng gobyerno sa mga mamamayan ang mensahe ni Gloc 9 sa mga kanta niya. May galit ba siya sa gobyerno?

"Hindi naman po, ako po'y mamamayan lang na nagsasabi ng nakikita, I wish for the best sa bansa natin kasi naniniwala ako na ang Pilipino ay dapat naninirahan lang sa Pilipinas dahil ito ang pinaka-okay na tirahan ng Pilipino.

"Dahil nagso-show po ako sa ibang bansa at nakikita ko ang mga Pilipino ro'n na nagtatrabaho at ang kanilang mga leave ay iniipon nila para magamit nila sa Pilipinas. So it's very sad na kailangang lumayo ng isang miyembro ng pamilya para lang makapag-provide sa pamilya nila rito sa Pilipinas.

"Sana dumating 'yung point na 'yun na maging okay lahat dito sa bansa natin para at least mapagtuunan ko naman ng ibang topics para gawan ng kanta," pangangatwiran ng simpleng mang-aawit at mamamayan ng Pilipinas.

Samantala, sa November 21 ay may concert si Gloc 9 kasama sina Rico Blanco at Yeng Constantino na may titulong Icon sa Smart Araneta Coliseum, produced ng Cornerstone Concert.