KIDAPAWAN CITY – Tinututukan ng awtoridad ang anggulong personal na alitan na motibo sa pagpapasabog kamakailan ng granada sa loob ng isang simbahan sa Pikit, North Cotabato, na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng tatlong iba pa.

Sinabi ni Senior Insp. Sunny Leoncito, head investigator ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO), na posibleng ang target ng 40MM grenade projectile ay si Felomina Ferolin, chief nurse ng Municipal Health Unit ng Pagalungan, Maguindanao.

Ayon kay Leoncito, ang posibleng pag-atake kay Ferolin ay nag-ugat sa pagbabakuna kontra tigdas na isinagawa ng huli noong Setyembre sa isa sa mga barangay sa Pagalungan, dahil ikinagalit umano ng mga kaanak ng isa sa mga bata ang pagkakaroon nito ng mga komplikasyon.

Sinabi pa ni Leoncito na tinitingnan din nila ang anggulo na target ng pagpapasabog ang dalawa sa mga biktima na sina Jeremias Dandan at Jerome Dandan—kapwa kaanak ng isang dating pulis sa Pikit.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nilinaw din ni Leoncito na wala silang nakikitang kaugnayan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pagpapasabog. - Malu Cadelina Manar