Tiniyak ng National Housing Authority (NHA) na matatapos na ang pagkukumpuni ng 12,000 bahay na pinondohan ng gobyerno para sa 14,000 pamilya na biktima ng bagyong ‘Yolanda’ sa Visayas.
Sa ulat ng NHA, halos isang taon nang nananatili sa mga temporary housing facility, na karamihan ay mga tent, ang mga nasalanta ng nasabing kalamidad.
“Inabot ng 11 months ang programang pabahay para sa biktima ng bagyong Yolanda sa Visayas dahil sa paghahanap ng lupang titirikan ng bahay ng mga evacuee,” paglilinaw ni Chito Cruz, NHA general manager.
Aniya, tiniyak muna ng mga ahensiya ng gobyerno na ligtas ang lupang pagtatayuan ng mga housing unit, may mapagkukunan ng malinis na tubig at may supply ng kuryente.
Napag-alaman na isa sa naging dahilan ng pagkaantala ng proyekto ay ang pagkukumpleto ng mga dokumento na kailangan bago simulan ang konstruksiyon ng mga bahay.
Sa kabila nito, nilinaw ni Cruz na sa Nobyembre ng kasalukuyang taon matatapos na ang may 9,000 housing unit at maaari nang malipatan ng mga evacuee.