Tiniyak kahapon ni Cavite Governor Jonvic Remulla ang pagharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee na nag-iimbestiga sa “overpriced” Makati City Hall Building 2, ang isa sa itunuturong “dummy” ni Vice President Jejomar Binay upang patunayan na siya ang may-ari ng 350-ektaryang lupain sa Rosario, Batangas.

Ayon sa kanyang pakikipag-usap kay Binay, sinabi ni Remulla na patutunayan ni Antonio “Tony” Tiu, may-ari ng Sunchamp Agri-Tourism Park, kung kanino nakapangalan ang 350-ektaryang lupain sa Batangas na kinukuwestiyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee.

Ito ay matapos isiwalat ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na pag-aari ni VP Binay at pamilya nito ang “hacienda” at lahat ng modernong pasilidad nito.

Giit ng kampo ni Binay naipakita na ang lahat ng dokumento at 9-ektaryang lupa lang ang inuupahan ng Binay para sa negosyong orchid farm ni Dra. Elenita Binay, maybahay ng VP at dating alkalde ng Makati, habang ang babuyan sa naturang lupain ay binitiwan ng bise presidente noon pang 2010 na dati nang nakasaad kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Nilinaw ni Remulla, hindi pag-aari ni Binay ang karamihan sa mga istruktura sa lupain sa Rosario, Batangas dahil may ibang mga lessor ito.

Misis ng nahuling NBI volunteer, nanindigang walang kasalanan ang asawa

Hindi rin aniya kailanman nasangkot ang pamilya Binay sa horse racing at pag-aalaga ng manok na panabong na unang inihayag ni Mercado sa pagdinig sa Senado nitong Miyerkules.

Samantala, minaliit ni United Nationalist Alliance Interim Secretary General Atty. JV Bautista ang testimonya ni Mercado hinggil sa umano’y mga kuwestiyunableng yaman ng pamilya Binay.

“Former vice mayor Mercado, a self-confessed gambler and bribe taker, continues to entertain the public with fantastical but wholly unproven tales about the alleged wealth of the Binay family,” ani Bautista.