ANIM na buwang suspensiyon ang ipinataw kay Optical Media Board (OMB) Chairman Ronnie Ricketts. Ayon sa nakausap naming beteranang manunulat na malapit sa aktor ay iniiwasan munang magbigay ng reaksiyon o komento ni Ronnie Ricketts sa ipinalabas na desisyon na ito ng Ombudsman.
Sinuspinde ang asawa ni Mariz dahil sa “neglect of duty”. At sa loob ng anim na buwan, walang matatanggap na sahod si Ronnie dulot ng ipinataw na suspension order sa kanya na inihain mismo ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr.
Sabi ng source namin, nabigla si Ronnie sa desisyon ng Malacañang, pero walang magawa ang aktor kundi pansamantalang iwanan ang puwesto. May posibilidad na hindi na balikan ni Ronnie Rickets ang naturang posisyon sa gobyerno, sabi pa ng source namin.
“Sa totoo lang, ang daming ipinagpalit ni Ronnie dahil sa pagtanggap niya sa posisyon niyang ‘yun. Iniwanan na niya ang paggawa ng pelikula at dahil din sa pagiging OMB chairman niya, eh, naramdaman niyang dumarami ang mga kagalit niya,” sey pa ng source.
Ayon sa resolution ng Ombudsman noong August 28, sinuspinde si Ricketts at iba pang OMB official dahil sa paglalabas ng mga kinumpiskang DVD at VCD.
Sa ngayon ay wala pang ipinapalit kay Ronnie ang Malacañang. Ayon pa sa source, isang aktor din daw ang inalok para humalili sa posisyon.