Walang dapat sisihin sa pagkabigo ng Far Eastern University (FEU) na tapusin na ang finals series ng UAAP season 77 basketball tournament kontra sa National University (NU) noong nakaraang Miyerkules kundi ang kanilang sarili.
Ayon kay Tamaraws coach Nash Racela, tila nalunod sila sa matinding depensang ipinakita ng Bulldogs kayat hindi sila nakaporma sa kabuuan ng laro para maiposte ang 62-47 panalo at makapuwresa ng winner-take-all Game Three.
Mula sa pagkakabaon nila sa 3-16 sa first period, dito na nahirapan para makaahon ang Tamaraws.
Bagamat may mga pagkakataon sa laro na nakuha nilang makadikit, hindi naman maituloy ito ng FEU dahil naging mala-pader na ang determinasyon ng NU kaya’t hindi nila maputol ang kapit ng mga ito sa pangingibabaw.
Ang pagkabigo ang naging pinakamababang score ng Tamaraws ngayong season.
“We missed shots because they forced us to miss shots. NU played great defense lasy Wednesday,” pahayag ni Racela matapos na maitala ng kanyang koponan ang pinakamababang field goal percentage sa isang finals game magmula noong 2003 makaraang makapagtala ng 27.87 porsiyento.
Patunay aniya sa naging matinding depensa ng Bulldogs sa Tamaraws ang pagkalimita kay Mac Belo sa limang field goals mula sa kanyang 13 attempts na siyang nagresulta sa malagkit na pagbabantay sa kanya ni NU team skipper Glenn Khobuntin.
Gayunman, nanatiling optimistiko ang Tamaraws mentor sa kanilang tsansa, lalo pa at maraming beses na sa taong ito na dumaan sila sa ganitong pagsubok.
Kabilang na umano rito ang kanilang naging semifinals duel ng nakaraang taong kampeon na De La Salle University (DLSU) kung saan naunahan sila ng una at nalagay pa sa alanganin ang tsansa nilang makapasok sa kampeonato.
“We’ve been in situation like this before, gaya sa Final Four duel namin with La Salle. Naunahan kami noon but still we were able to bounce back and make it here in the finals,” ayon pa kay Racela.