Isang kautusan mula sa Federation International de Volleyball (FIVB) ang dahilan kung bakit hindi nakapaglaro ang reinforcements sa ginanap na aksiyon sa Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference.

Ito ang napag-alaman mula sa Philippine Volleyball Federation (PVF) kung saan ay hindi nakasunod ang mga import at maging ang liga sa pagkuha nila sa ipinapatupad na International Transfer Certificate (ITC) ng FIVB upang makapaglaro sa naturang event.

Ipinaliwanag ng opisyal na hindi makalalaro ang sinuman sa iba’t ibang liga sa loob ng dalawang taon at suspensiyon sa kinabibilangang asosasyon ang posibleng kaparusahan sa mga dayuhang lalabag sa bagong regulasyon ng FIVB. Ito ay basehan na rin para maproteksiyunan sila.

Napuwersa ang Cagayan Volley Lady Rising Suns na lumaban na All-Filipino dahil hindi makalalaro ang mga import nila na sina Ampron Hyapha at Patcharee Saengmuan matapos na sabihan ng Thailand Volleyball Association (TVA) hinggil sa regulasyon.  

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinakailangan ngayon ng dalawang import ng Cagayan Valley at mismong organizer ng liga na magbayad ng $1,000 para makalaro. Ang kautusan ay saklaw din sa iba pang mga import na naglalaro sa liga.

Ang ITC ay isinaimplementa naman ng FIVB may dalawang taon na ang nakararaan matapos na maiulat na may ilang volleyball players ang reklamo hinggil sa hindi magandang pagtrato at hindi nabayaran ang kanilang serbisyo sa iba’t ibang liga.  

Napag-alaman pa sa PVF na nauna nang sinulatan ni Karl Chan, presidente ng asosasyon sa bansa, ang Sports Vision Management Inc., na siyang nag-oorganisa ng Shakey’s V-League, hinggil sa regulasyon matapos ibalik ng FIVB ang kahilingan ng 11-taong liga para makahiram ng mga dayuhang manlalaro.