Hindi maaapektuhan ng posibleng pagputok ng Bulkan Mayon ang gaganaping Batang Pinoy Luzon leg sa Naga City, Camarines Sur sa Nobyembre 11-15.

Ito ang inihayag ni Philippine Sports Commission Games Secretariat chief Atty. Jay Alano matapos siguruhin ng Camarines Sur Sports Coordinator na si Arnel Labrador na hindi maaapektuhan ang siyudad na pinagsagawaan din ng unang national finals. 

”Mayon is 100kms away from Naga City. Huwag naman sanang umabot doon ang epekto kung puputok ang bulkan,” sabi ni Alano.

“Also, we were assured ng ating coordinator sa Naga na nakipag-usap na sila sa concerned agencies nila para sa safety at security ng mga sasali sa Luzon leg,” pahayag pa ni Alano.

Katatapos lamang isagawa ang Mindanao leg kung saan nagkampeon sa unang pagkakataon ang General Santos City.

Probinsya

Gov. Baricuatro, iniutos four-day work week, 'energy saving measures' sa Cebu

Susunod na hahataw ang Visayas leg na gaganapin sa Kalibo, Aklan sa Oktubre 21 hanggang 25.

 Inaasahang sasabak ang 3,000 atleta sa rehiyon ng Visayas sa 26 na sports na para lamang sa mga batang may edad 15.  

Isasagawa ang opening ceremony ng Visayas leg sa Aklan Calangcang Sports Complex sa Makato, Aklan sa Oktubre 21 na tampok ang mga opisyal ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at host Province of Aklan.

 Magsisimula ang kompetisyon sa Oktubre 22 hanggang 25 kung saan ay lalarga ang athletics, archery, taekwondo, swimming at softball sa Aklan Calangcang Sports Complex.  

Ang ibang playing venues ay ang Gov. Corazon L. Cabagnot Tourism and Training Center para sa chess habang ang sepak takraw ay sa ABL Sports Complex, Makato, Aklan. Ang badminton ay papalo sa Ati-Atihan Badminton Center, New Buswang, Kalibo, Aklan at ang boxing ay sa Malinao covered court, Poblacion, Malinao, Aklan.

Ang volleyball ay aarangkada sa Numancia covered court, Poblacion habang ang basketball 3-on-3 at dance sports ay sa Gov. Augusto B. Legaspi Sports Center sa Kalibo, Aklan.

Ang table tennis ay sa Malinao Elementary School at ang lawn tennis ay sa Aklan Capitol Tennis Court sa Estancia, Aklan at ASU-CIT Kalibo. Ang wrestling ay sa New Buswang Elementary at arnis sa Banga covered court, Poblacion, Banga, Aklan habang ang billiards ay sa Gaisano Capital and Q-Zone.

Ang futsal ay gaganapin sa Saint Joseph Academy sa Malinao habang ang karatedo ay sisikad sa Kalibo Pilot Elementary School. Ang muay thai ay sa Lezo covered court, ang pencak silat ay sa Infant Jesus Academy at weighlifting sa  Malinao School for Philippine Craftmen.  

Ipinaliwanag ni Alano na ang magwawagi sa Visayas qualifying leg ay awtomatikong makukuwalipika sa Batang Pinoy national finals na magbabalik sa Bacolod City sa Disyembre 1 hanggang 3.