Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng “Bolt Cutter Gang” ang kinasuhan ng attempted robbery ng pulisya matapos maaresto habang nasa aktong ninanakawan ang isang bodega ng ibinebentang ready-to-wear (RTW) sa Pasay City kamakailan.

Kinilala ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police Station, ang mga suspek na si Eric Jel Lara, alias “Boyet,” ng 201 San Francisco St., Katipunan Village, Taguig City; at Rene Abrazado, 35, ng No. 7 Lanzones St., PANAM Village, South Side, Makati City.

Ang dalawa ay naaktuhan habang nilolooban ang isang bodega ng RTW sa 11 Ortigas St., Sto. Niño, Pasay City noong Sabado.

Sinabi ng pulisya, umabot sa P400,000 halaga na mga damit ang tinangay nila Lara at Abrazado, na kapwa kinasuhan sa Pasay City Prosecutors Office bunsod ng insidente.

National

Orange warning, itinaas sa Metro Manila, mga kalapit na lugar

Nakatulong din sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng dalawang suspek ang isang CCTV footage na nakunan ang panloloob sa bodega.

Ayon kay Reyes, dalawa pang kakutsaba nila Lara at Abrazado ang pinaghahanap pa rin ng pulisya. - Mitch Arceo