Inilipat na ng United States Agency for International Development (USAID) sa pamahalaan ng Tacloban City ang dalawang bagong paaralan na kinumpuni ng pamahalaang Amerika matapos mawasak sa pananalasa ng bagyong “Yolanda” halos isang taon na ang nakararaan.

Pinangunahan ni USAID Mission Director Gloria D. Steele ang turnover ceremony para sa mga bagong school building sa Tacloban National Agricultural School (TNAS) na kinabibilangan ng 10 mula sa mahigit na 165 silid-aralan na target na itayo ng US government sa Pilipinas.

Ayon sa USAID, hindi kayang buwagin ng bagong school building ng malakas na hangin na aabot sa 360 kilometro kada oras at 8.5 magnitude quake.

Sa ilalim ng naturang proyekto, nakikipagtulungan din ang US government sa Coca Cola at Procter & Gamble sa rehabilitasyon at pagbubuhay ng mahigit sa 1,000 sari-sari store sa Tacloban.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tuturuan ang mga may-ari ng tindahan sa larangan ng basic store management at microcredit.

Sa kanyang pagbisita sa Tacloban City kamakailan, tiniyak ni Steele na magpapatuloy ang pagtulong ng kanilang grupo sa mga miyembro ng Barangay Basper Farmers Association, TNAS General Parent-Teacher Association, Tagpuro Women’s Seaweed Association, at Old Kawayan Fisherfolks Association.

Ininspeksiyon din ni Steele ang konstruksiyon ng isa pang paaralan na may walong silid-aralan sa San Fernando Central School at isang tuberculosis clinic sa City Health Office na kapwa pinondohan ng USAID.

Nagtungo rin si Steele sa Ormoc, Leyte upang ilunsad ang isang proyekto ng US government sa pagbibigay proteksiyon sa mga residente sa epekto ng mga kalamidad at ilegal na operasyon ng trafficking-in-persons sa lugar. - Roy Mabasa