Kinakailangang ipakita ng pambansang atleta na sila ang pinakamagaling na atletang Pinoy sa darating na 2015 PSC-POC Philippine National Games (PNG) kung nais nilang mapanatili ang kanilang mga tinatanggap na allowance at pagkakataong mapasama sa Southeast Asian Games sa Singapore.

Ito ang inihayagni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia matapos ang nakadidismayang kampanya ng 150 kataong delegasyon na lumahok sa katatapos lamang na 17th Asian Games sa Incheon, Korea kung saan nag-uwi ang bansa ng 1 ginto, 3 pilak at 11 tanso.

"They have to prove that they are the best among the Filipino athletes. Kapag natalo sila, especially those in the priority list, for whatever reasons they only know, they will be

immediately demoted in the program at malalaglag sila sa training pool," sinabi ni Garcia.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ipinaliwanag naman ni Garcia na ang bawat atleta ay may pagkakataon na patunayan ang kanilang kakayahan sa PNG na isa sa pinagbabasehan kung mapapanatili ng pambansang atleta ang kanilang estado sa national pool at maging sa tinatanggap na buwanang insentibo.

"Hindi naman namin sila puwedeng alisin sa kanilang asosasyon pero puwede namin alisin ang allowances nila na mula sa pera ng taong bayan na dapat nilang pagsilbihan sa pag-eensayo at pagbibigay karangalan sa sasalihang mga internasyonal na torneo," pahayag ni Garcia.

Ayon kay Garcia, sinusunod nila ang isang sirkulo na kung saan ang isang atleta na nagwagi ng medalya sa SEA Games ay nararapat na panatilihin ang kanyang titulo hanggang sa susunod na kada dalawang taong torneo.

"Iyong SEA Games ay every two years so dapat ay mapanatili mo kung magwagi ka ng gold ay gold ka din sa PNG at sa susunod na SEA Games para hindi ka ma-demote. Katulad ni Caluag, na nagwagi ng ginto sa Asian Games na every four years, pero kailangan niyang patunayan na siya pa rin ang numero uno sa Pinoy," giit ni Garcia.

Nakatakda naman makipagpulong si Garcia sa pamunuan ng Philippine Olympic Committee (POC) upang magbigay ng kanyang ulat bilang Chef de Mission, kasama na rin ang kautusan mula sa Malakanyang na bigyan na lamang ng pansin ang pagbibigay prayoridad sa mga sports na may potensiyal na manalo.

"I share the sentiment of Malacanang. I'm sure they are disappointed and we are all disappointed. We will continue with the prioritization program that was personally brought up by the President," pahayag pa ni Garcia. "We will prioritize the sports where we can win. Two years ago we came up with 10 priority sports but we dropped a few (swimming and weightlifting) because they did not perform in the last SEA Games," ayon pa kay Garcia.