Kung mayroong bad cops, mayroon ding brave cops.

Kinumpirma ng National Police Commission (Napolcom) na naaprubahan na nito ang special promotion ng dalawang pulis na nagpakita ng katangitanging katapangan sa pagtugon sa sinumpaang tungkulin.

Sinabi ni Napolcom Vice Chairman at Executive Officer Eduardo U. Escueta na naaprubahan na ang promosyon nina PO2 Edlyn A. Arbo at PO3 Elias A. Tumaquip, kapwa miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa susunod na ranggo.

Pinagkalooban ng special promotion si Arbo matapos pumalag sa isang holdaper habang sakay sila sa isang pampasaherong jeep sa Nagtahan Bridge sa Sta. Mesa, Manila noong Abril 2, 2013.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Bagamat nasugatan sa binti nang saksakin ng holdaper, nakuha pang habulin ni Arbo ang suspek nang nagtangka itong tumakas na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Samantala, pinarangalan si Tumaquip matapos siyang makipagbarilan sa isang holdaper sa loob ng isang pamilihan sa Barangay Sta. Rita, Quezon City noong Disyembre 19, 2012 na nagresulta sa pagkakasugat at pagkakaaresto ng suspek. - Czarina Nicole O. Ong