Nabuksan na naman ang isyu ng pagbalik ng parusang kamatayan. Ang artistang si Cherry Pie Picache ay nagsabing dapat ibalik na ito bunsod nang brutal na pagpaslang sa kanyang ina. Inayunan naman ito ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na noon pa man ay ganito na ang paninindigan. Pero, tutol ang Malacañang sa panukalang ito. Wala naman daw itong nakikitang dahilan para ibalik ang death penalty kahit ipinamumukha na rito ng mga nagpapanukala na laganap na ang mga karumaldumal na krimen.

Hindi isyu kung dumami man ang krimen, kahit karumaldumal ang mga ito. Sa akin, ang isyu ay nakaangat ba ang ating gobyerno sa antas na may kapangyarihang moral ito para ipapatay nito ang kanyang mamamayan na napatunayang nagkasala sa krimeng ibinibintang sa kanya? Hindi magkatugma ang mga posisyong pinaninindigan ng VACC. Kasama ito sa One Million March na ginawa ng taumbayan laban sa pork barrel. Isa ito sa mga nagdemanda ng plunder at iba pang kaso laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Ang kanilang kinasuhan ay ilan lang sa mga kapwa nila na ginawa nang sistema sa gobyerno ang pandarambong. Sa pamamagitan ng DAP at PDAF at iba pang paraan, nilimitahan nila ang kakayahan ng gobyernong maikalat sa lahat ang kayamanan ng bansa. Ngayon, itong gobyernong ito ang uudyukan mong pumatay ng kanyang mamamayang nakagawa ng krimen?

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa statistics, ang krimeng lumago ay iyong crime against property. Ito ang krimeng ginawa ng pumaslang sa ina ni Pacache. Ang iba pang krimen ay may kaugnayan sa kahirapan. Dukha ang karamihang gumagawa nang kalaswaan sa kanilang mga anak. Paano kasi, parang sardinas na siniksik sila sa isang kwarto, bakit hindi madedemonyo ang amang nakadikt na sa kanya ang katawan ng kanyang anak? Wala naman ito sa posisyong iraos ang makamundo niyang hangarin sa ibang paraan. Kaya ang gobyerno, sa pamamagitan ng mga umuugit nito, ang nagbigay ng kondisyon para magkasala ang kanyang mamamayan. Higit sa lahat ibang halimbawa ang ipinakikita ng mga taong nagpapatakbo ng gobyerno, ang gumagawa ng krimen. Kaya, tulad ng Malacañang, laban ako sa death penalty.