Isang pulis ang bahagyang nasugatan matapos na hagisan ng granada ng hindi kilalang suspek ang Police Station 1 ng Manila Police District (MPD) sa Capulong Street, Tondo, Manila, noong Lunes ng gabi.
Ayon kay Senior Supt. Virgilio Valdez, deputy chief ng MPD-Station 1, pasado 11:00 ng gabi ng Lunes nang maganap ang pagsabog ng isang MK2 fragmentation grenade sa kanilang tanggapan.
Nasugatan sa insidente si PO1 Ranil Bautista, na tinamaan sa mukha nang tumalsik na aspalto dulot ng pagsabog.
Nag-iwan rin aniya ng apat na pulgadang laki ng uka sa kalsada ang pagsabog ng fragmentation grenade at nawasak ang nakaparadang motorsiklo sa likurang bahagi ng himpilan.
Ayon naman kay Senior Insp. Arnold Santos ng MPD-Explosive and Ordnance Division, sa kalsada inihagis ang granada dahil protektado na ng lambat ang paligid ng himpilan.
Unang hinagisan ng granada ang Police Station 1 noong Abril 24 ng mga naka-motorsiklong suspek, na ikinasira ng isang kotse at isang motorsiklo ng mga pulis.