Ito ang huling bahagi ng ating serye hinggil sa nagbabagong tanawin sa negosyong tingian. Inaasahan ang patuloy at malakas na pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas sa taon na ito, ngunit hindi ito nangangahulugang wala nang makahahadlang sa pag-unlad ng bansa. Magkahalo ang hadlang at bentahe, ngunit nakararami ang pabor sa pag-unlad. Una sa mga hamon o hadlang ang suliranin sa trabaho. Ayon sa International Labor Organization, ang Pilipinas ang may pinakamataas na porsyento ng walang hanapbuhay (7.3 porsyento noong 2013) sa mga kaanib sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ayon sa Global Competitiveness Report 2014-2015 ng World Economic Forum (WEF), ang ranggo ng Pilipinas ay umakyat ng pitong baytang mula sa No. 59 noong isang taon hanggang sa No. 52 sa pinakahuling ulat. Dahil dito, sinabi ng National Competitiveness Council (NCC) na ang Pilipinas ang nagtala ng pinaka-malaking pagbabago sa talaan ng WEF mula noong 2010, nang nasa ika-85 na antas pa lamang ang bansa.
Sa kabila nito, nananatiling mababa ang antas ng Pilipinas sa ilang mahahalagang panukat ng kumpetisyon: No. 91 sa imprastraktura, No. 92 sa kalusugan at edukasyong primarya at No. 91 sa labor market efficiency. Nangunguna naman sa listahan ng mga bentahe ang remittances mula sa mga Pilipinong naghahanapbuhay sa ibang bansa, mas kilala sa tawag na overseas Filipino workers (OFW). Ang remittances mula noong Enero hanggang Hulyo sa taong ito ay umabot sa $13.5 bilyon, mas mataas ng 5.8 porsyento mula sa $12.7 bilyon noong isang taon. Ayon sa BSP, ito ay palatandaan ng malakas na pagtitiwala ng mga mamumuhunang dayuhan sa ekonomiya ng Pilipinas.
Ang pagbaba ng porsyento ng walang trabaho at walang sapat na pinagkakakitaan, ang pagtaas ng antas ng Pilipinas sa competitiveness ranking at ang patuloy na paglaki ng FDI ay siyang nasa likod ng mga pagbabago sa tanawin sa negosyong tingian. Ang kumpetisyon sa negosyong tingian ay nakaakit din sa mga negosyanteng Pilipino na magtayo ng pabrika, na siya namang lumilikha ng marami at pirmihang trabaho. Ang inaasahang magandang kinabukasan ng ekonomiya, naniniwala ako na ang mga pagbabago sa tanawin sa negosyong tingian ay dapat makahimok sa marami pang negosyanteng Pilipino na makipagtunggali sa mga produktong dayuhan.