NASA Europe si Sylvia Sanchez kaya hindi siya nakadalo sa presscon ng The Trial ng Star Cinema Gumaganap siya bilang inang lesbian ni John Lloyd Cruz sa naturang pelikula.
Isinama si Sylvia ng asawang si Art Atayde na dumalo sa isang meeting ng mga kasosyo sa negosyo at bale ‘honeymoon’ na rin nila after magpaka-busy ng ilang taon sa Be Careful With My Heart si Ibyang.
“Tinapos ko lang ang shoot namin ng The Trial. Ang ganda ng movie, sobra. Nakakaiyak! Advise ko nga sa mga manonood, huwag panyo o tissue paper ang dalhin ninyo ‘pag nanonood kayo, tuwalya dapat dahil hahagulgol kayo sa maraming eksena,” say niya nang magkakontakan kami sa pamamagitan ng text.
Bakit siya ang kinuha ni Direk Chito Roño para maging nanay ni JLC? Marami namang puwedeng gumanap sa papel niya.
“Natawa nga ako nu’ng tanungin ko si Direk Chito kung bakit ako ang kinuha niyang tomboy na nanay ni Lloydie. Sabi niya, nu’ng panahon daw namin, nu’ng sexy star pa raw ako, sa mga kahilera ko that time, ako raw ang parang tomboy maglakad. Boyish kumbaga kaya nu’ng mabasa niya ang script at nakita niya ang character ng tomboy mother ni John Lloyd, ako kaagad ang naisip niya,” kuwento ng aktres.
Sinigurado ni Ibyang na dadalo siya sa premiere night ng The Trial dahil gusto niyang mapanood ito sa unang gabi pa lang at uulitin niya sa opening day sa Oktubre 15.
Malapit nang magtapos ang BCWMH kaya marami nang oras si Ibyang sa pamilya niya, pero hindi naman siya totally mawawala sa telebisyon dahil pasulput-sulpot siya sa Pure Love bilang nanay (na naka-confince sa mental hospital) ni Arjo Atayde o Raymundo.
“Sayang nga, taping ako ng Pure Love, eh, ito naman ‘yung araw na paalis kami, so hindi na nakunan. Hindi ko alam kung ano gagawin,” sabi pa ni Ibyang.
Habang ongoing ang presscon ng The Trial ay panay naman ang palitan namin ng mensahe ni Sylvia dahil gusto niya updated siya sa nangyayari at kung anu-ano ang mga itinanong at sagot ng bawat kasama sa cast.
Susme, hindi alintana kay Ibyang kung mahal ang text message mula Europe to Philippines!