Dahil tatlong araw pa lang siyang comptroller nang pirmahan niya ang mga dokumento sa pagpapalabas ng pondo para sa P385.48-milyon rehabilitasyon ng mga armored fighting vehicle noong 2008, hiniling ni retired Philippine National Police (PNP) Director Geary Barias sa Sandiganbayan na makapagpiyansa siya.

Ayon sa kanyang mga abogado, walang ginawang ilegal ang kanilang kliyente sa pagtupad sa tungkulin nito.

Sa memorandum na isinumite sa Sandiganbayan Fourth Division, iginiit ng mga abogado ni Barias na bigo ang prosekusyon na magharap ng malakas na ebidensiya upang patunayan na guilty si Barias sa mga alegasyon.

Ang dating PNP comptroller ay kasalukuyang nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame bunsod ng two counts of malversation hinggil sa maanomalyang rehabilitasyon ng mga police AFV.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kinasuhan si Barias matapos siyang magpalabas ng Notice of Fund Availability noong Agosto 31, 2007, o tatlong araw makaraan siyang manungkulan bilang pinuno ng Directorate for Comptrollership.

Iginiit ng depensa na nilagdaan ni Barias ang NFA, kumpleto sa lahat ng supporting paper, na inihanda ng kanyang mga tauhan, partikular sa Budget Division at Fiscal Division ng PNP-TDC.

Sa mga panahong iyon, ipinaliwanag ng abogado ng dating comptroller na walang dahilan upang hindi lagdaan ni Barias ang pinagtatalunang NFA.