Ni ALEXANDER D. LOPEZ
DAVAO CITY – Umarangkada na kahapon ang nationwide caravan para sa Duterte for President 2016 Movement, na bibiyahe mula siyudad na ito hanggang Maynila sa loob ng 12 araw, upang isulong ang kandidatura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pampanguluhan sa susunod na eleksiyon.
“Kailangan naming mangampanya para sumama sa amin ang mga mamamayan sa pagkukumbinse kay Mayor Duterte na tumakbo sa presidential race,” pahayag ni Barangay Chairman Mar Masanguid, founder ng DPM.
Ito ay sa kabila na ilang ulit nang inihayag ni Duterte na hindi siya interesadong tumakbo sa panguluhan.
Subalit wala pa ring balak bumitaw si Masanguid sa pagkukumbinsi kay Duterte.
Isang misa ang idinaos para kay Duterte bago umarangkada ang motorcade sa Maa.
Mahigit sa 20 sasakyan, kung saan lulan ang mahigit sa 50 personalidad na karamihan ay mga lokal na opisyal ng Davao City, ang nakibahagi sa nationwide caravan.
Ayon pa kay Masanguid, ang caravan ay pansamantalang titigil sa Tagum City sa Davao del Norte, Nabunturan sa Compostela Valley, Butuan City sa CARAGA Region, Tacloban City sa Visayas at Naga City sa Luzon.