Kinasuhan na kahapon ng plunder sa Office of the Ombudsman ang mag-amang sina dating Tuguegarao City, Cagayan Mayor Delfin Ting, at Congressman Randolf Ting at isa pang dating opisyal sa siyudad, kaugnay ng umano’y overpriced at sub-standard na pagkakagawa ng gusali ng city hall.
Paliwanag ni Dr. Ronald Guzman, kasama sa pinagbatayan ng nasabing reklamo ang kopya ng findings ng Commission on Audit (COA) at ng iba pang ahensiya ng gobyerno na nagpapatunay na nagkaroon ng iregularidad sa pagpapatayo ng nasabing gusali.
Sa kanyang complaint-affidavit, binanggit ni Guzman na kapag umuulan ay may tumutulo sa bubong ng city hall dahil sub-standard umano ang materyales na ginamit sa gusali.
Hiniling din ni Guzman sa Ombudsman na madesisyunan agad ang kanilang reklamo laban sa mag-ama at kay dating City Engineer Emilio Matanguihan.
Kasama ni Guzman ang mga abogado niyang sina Atty. Jonathan Baligod, at Atty. Victorio Casauay.