Isinama na rin ng Department of Health (DOH) ang Inactivated Polio Vaccine (IPV) sa kanilang expanded program para sa pagbabakuna ng mga bata sa bansa.
Sa isang seremonya sa Parañaque City, sinabi ni Health Secretary Enrique Ona na ang itinuturok na IPV ay ipagkakaloob bilang karagdagan sa Oral Polio Vaccine (OPV) drop na ibinibigay sa mga batang may edad 14-buwan.
Ayon kay Ona, ang IPV ay makapagbibigay ng mas pinahusay na proteksyon sa mga bata laban sa polio upang mapanatili ang polio-free status ng bansa.
Ang IPV ay proteksyon laban sa type 1 at 3 ng polio at sa outbreak ng wild o vaccine-derived polio virus type 2, habang ang OPV ay epektibo lamang sa wild polio virus.
Ang pagsasama sa IPV sa programa ay tugon ng gobyerno sa Polio Eradication and Endgame Strategic Plan 2013-2018, na nabuo sa May 2012 World Health Assembly.
Sa Pilipinas, huling nakapagtala ng wild polio virus case noong 1993.
Taong 2000 naman nang sertipikahan ng World Health Organization ang Western Pacific Region, na kinabibilangan ng Pilipinas, bilang polio-free.
Sa kabila naman nito, nananatili pa rin umanong high-risk country ang Pilipinas sa polio importation dahil sa highly mobile population nito, at sa maraming paliparan, daungan at ports of entry, mga lugar na may mababang immunization coverage, at hindi agad pagre-report ng kaso nito.
Sinimulan ng Pilipinas ang Expanded Program on Immunization (EPI) nito noong 1979, limang taon matapos ilunsad ng WHO ang EPI noong 1974.
Sa kasalukuyan, kabilang na sa programa ang BCG (anti-tuberculosis), Hepatitis B, DPT (anti-diphtheria, pertussis at tetanus), OPV, HiB (anti-influenza type B), at MMR (anti-measles, mumps and rubella) vaccines.