Isang bagong elemento ang ipinalutang sa talakayan sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na nakabinbin ngayon sa Kongreso. Ito ang pangamba kapag hindi naaprubahan ang BBL ng Kongreso, mauuwi ito sa panibagong paghahasik ng karahasan sa Mindanao ng Islamic groups na kaugnay sa Islamic State in Syria (ISIS) na sumasakop ngyaon sa malalawak na lugar sa Syria at Iraq.
Pinugutan na ng ISIS ang dalawang peryodistang Amerikano at isang British aid worker, dahil lamang sa pagiging citizen ng mga ito ng Amerika at isang subject ng United Kingdom na nagpasyang tumulong sa pamahalaan ng Iraq na labanan ang puwersa ng ISIS. Tila magpapatupad ng parehong taktika, nagbanta ang Abu Sayyaf sa Mindanao na pupugutan nila ang bihag nilang German kung hindi magbabayad ng ransom ang gobyerno nito.
Noong isang araw, sinabi ng chief negotiator ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa peace talks na bumalangkas ng BBL na si Mohagher Igbal, tiyak ang panganib ng paglaganap ng Islamic extremism sa Mindanao kung hindi maipapasa ng Kongreso ang BBL. Ito rin ang naunang babala ni Defense Secretary Voltaire Gazmin sa isang Senate sub–committee.
May malinaw na pamimilit mula sa parehong MILF at gobyerno sa Kongreso upang aprubahan ang panukalang BBL. Dahil taglay ng administrasyon ang mayorya sa parehong kapulungan ng Kongreso, ang pag-apruba ng batas ay nagtapos na.
Para sa kapurihan ng ilang kongresista ng party-list, nagdeklara sila ng pangamba – o banta – ng karahasan sa Mindanao na inudyukan ng ISIS kung kaya hindi dapat huminto ang Kongreso na magbalangkas ng isang BBL na, habang itinataguyod ang self-determination sa mga mamamayang Bangsamoro, ay may kakahayang manindigan sa konstitusyonalidad, panatilihin ang integridad ng mga teritoryo ng Pilipinas, at tiyakin ang kapakanan ng buong sambayanang Pilipino.
Totoong posible na ang Islamic extremists na inspirado ng ISIS ay magre-react sa anumang pagbabago na sa kanilang pananaw ay magpapahina ng mga probisyon sa kasunduan, ngunit hindi dapat ito gamitin upang pilipitin ang braso ng Kongreso, ani Rep. Samuel Pagdilao. Hindi magpapasa ng batas ang Kongreso na lalabag sa Konstitusyon, ani Rep. Sherwin Tugna.
Ang mahalagang isyu sa Bangsamoro issue ay konstitusyonalidad. Kahit aprubahan pa ng Kongreso ang batas at pagtibayin pa ng sambayanan, nakatakda itong dalhin sa Supreme Court. Ang Bangsamoro Political Entity na itatatag sa Mindanao ay kailangang pagbigyan upang maipatupad nito ang self-determination sa mga mamamayang Bangsamoro – sa kanilang sistema ng pamahalaan, sa pagmamahagi ng benepisyo mula sa kalikasan, sa local police enforcement, atbp. Ngunit sa pinakapayak na isyu ng soberanya ng Pilipinas na nakatadhana sa Konstitusyon ng Pilipinas, wala nang dapat kukuwestiyon.